NAGPASALAMAT si Senador Lito Lapid kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa pag-isyu ng Executive Order No. 100 series of 2025 na naglalayong magpatupad ng floor price ng palay sa bansa para sa mga programa ng gobyerno na tuwirang namimili sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa ilalim ng R.A. No. 11321 o ang Sagip Saka Act of 2019, inaatasan ang mga ahensya ng gobyerno na may kaugnay na mandato na bumili ng produktong agrikultural mula sa mga accredited farmer at fisherfolk cooperatives at enterprises.
Sa ilalim ng E.O. No. 100, titiyakin ng mga nasabing ahensya na hindi malulugi ang mga magsasakang pagbibilhan nila sa pamamagitan ng minimum price na isinaalang-alang ang iba’t ibang factor tulad ng halaga ng produksyon, presyo ng palay sa merkado, sapat na tubo para sa mga magsasaka, at ang kapakanan ng mga magsasaka at mamimili.
Kasama rin sa isinaalang-alang ang mga pangyayari gaya ng kalamidad at marahas na pagbabago ng presyo dulot ng mga kakaibang kaganapan sa merkado.
“Napapanahon ang mabilis na aksyon ng Pangulo dahil matutugunan nito ang kahilingan ng mga magsasaka at mangingisda na labis ang paghihirap dahil sa sobrang importasyon at smuggling,” ayon pa kay Lapid, chairperson ng Senate Committee on Cooperatives.
Magugunitang iniulat ng ilang grupo ng magsasaka kay Lapid na ang presyo ngayon ng palay ay pumapalo mula sa P10 hanggang P14 lang kada kilo sa Nueva Ecija, Pampanga, Bicol at iba pang bahagi ng bansa.
Sa Isabela, bumagsak sa P8 hanggang P10 ang farmgate price ng palay na idinadalamhati ng mga magsasaka roon.
Bilang isang magbubukid, ramdam umano ni Lapid ang hirap at sakripisyo ng mga magsasaka dala ng mataas na presyo ng pataba, pestesidyo at iba pang gastusin.
“Nakakaawa ang sitwasyon ng ating mga magsasaka dahil malaki ang gastusin nila sa pagtatanim at pag-aalaga ng palay. Bagamat may libreng pataba na ibinibigay ang gobyerno, hindi pa rin anya ito sapat para makabawi sila,” dagdag ni Lapid.
Kasabay nito, hinihirit din ng Senador kay PBBM na atasan si Department of Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel na asikasuhin ang mga programang magtitiyak na hindi malulugi ang mga magsasaka tulad ng pagbibigay subsidiya, karagdagang tulong sa pagpapababa sa gastusin ng pagsasaka at pag-aani, pagpaparami ng pagbili ng gobyerno sa mga ani sa tamang presyo, at iba pang makatutulong para maitaguyod ang kanilang sakahan. (FLORANTE ROSALES)
