NASAKOTE ng mga operatiba ng Pasig City Police Station ang isang most wanted person na may kinakaharap na kaso ng Estafa at paglabag sa New Anti-Carnapping Law, sa bisa ng dalawang warrant of arrest na inilabas ng korte.
Batay sa ulat ni PCOL Hendrix B. Mangaldan, hepe ng Pasig City Police, kay PBGEN Aden T. Lagradante, District Director ng Eastern Police District (EPD), ang operasyon ay isinagawa alas-1:40 ng madaling-araw nitong Oktubre 25, 2025 sa kahabaan ng Amang Rodriguez Avenue, Barangay Manggahan, Pasig City.
Sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operation, nagtulungan ang mga tauhan ng Sector 6 at Warrant and Subpoena Section sa matagumpay na pag-aresto sa suspek na kinilalang si alias “Ram,” 47 taong gulang, may asawa, at residente ng Pasig City.
Ang suspek ay inaresto sa bisa ng dalawang warrant of arrest mula sa magkahiwalay na korte:
- Regional Trial Court Branch 224, Quezon City, na naglabas ng warrant noong Hulyo 4, 2025 para sa kasong Estafa through Falsification of Public Documents sa ilalim ng Article 315 par. 2(a) ng Revised Penal Code, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act (RA 10175). May Php42,000 na itinakdang piyansa para rito.
- Regional Trial Court Branch 114, Angeles City, Pampanga, na naglabas naman ng warrant noong Enero 27, 2023 para sa paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Law) na may Php300,000 na piyansa.
Pinuri ni PCOL Mangaldan ang kanyang mga tauhan sa matagumpay na operasyon, na kanyang inilarawan bilang “intel-driven at produkto ng matibay na ugnayan sa komunidad.”
“Ang pagkakaaresto kay alias Ram ay patunay na walang makatatakas sa kamay ng batas. Ang hustisya ay unti-unti nating naihahatid sa mga biktima,” ani Mangaldan.
Kasunod ng pagkakaaresto, dinala ang suspek sa Pasig City Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon bago isailalim sa kustodiya ng korte. (ARNOLD PAJARON JR)
