BUKAS na ang Government Service Insurance System (GSIS) sa pagtanggap ng emergency loan applications mula sa mga miyembro at pensioner na naapektuhan ng magnitude 7.4 na lindol, at tatagal ang aplikasyon hanggang Disyembre 14, 2025.
Ayon sa GSIS, mahigit P5.4 bilyon ang inilaan para sa programang ito na makikinabang ang tinatayang 224,000 aktibong miyembro at pensioner sa mga lugar na idineklarang apektado ng kalamidad.
Sinabi ni GSIS President at General Manager Wick Veloso na nananatiling tapat ang ahensya sa layuning tulungan ang mga kawani ng pamahalaan at mga retirado sa panahon ng sakuna. Aniya, “GSIS remains steadfast in its mission to care for government workers and retirees, especially in times of crisis. We are here to help our members and pensioners recover and rebuild.”
Bukod sa mga lugar na tinamaan ng 7.4 magnitude na lindol, nagbukas din ng emergency loan ang GSIS sa iba pang mga lugar na hinagupit ng kalamidad tulad ng Cebu na niyanig ng magnitude 6.9 na lindol; Masbate, Oriental Mindoro, at Romblon na sinalanta ng bagyong Opong; Cagayan, Ilocos Norte, at Dagupan City na tinamaan ng super typhoon Nando; at Buluan sa Maguindanao del Sur na binaha kamakailan.
Upang mapabilis ang tulong, pinaluwag ng GSIS ang mga rekisito para sa pagproseso ng emergency loan. Binubuksan na ang aplikasyon sa sandaling ideklara ng lokal na sanggunian ang isang lugar sa ilalim ng state of calamity sa rekomendasyon ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ang mga miyembrong nakatira o nagtatrabaho sa mga apektadong lugar ay maaaring mag-apply basta’t wala silang due and demandable loan, hindi naka-unpaid leave, nakabayad ng premium contributions sa nakalipas na anim na buwan, walang kasong administratibo o kriminal, at may take-home pay na hindi bababa sa P5,000 pagkatapos ng mga kaltas. Samantala, ang mga old-age at disability pensioner ay maaari ring mag-apply kung may matitirang 25 porsyento ng kanilang buwanang pensyon matapos ang loan deduction.
Ang mga may kasalukuyang emergency loan ay maaaring umutang ng hanggang P40,000, kung saan P20,000 ang maximum net amount na matatanggap matapos maibawas ang dating loan. Ang mga wala namang outstanding loan ay maaaring mag-loan ng P20,000. Ang utang ay babayaran sa loob ng 36 buwan na may 6 porsyentong interes kada taon at sakop ng loan redemption insurance na awtomatikong magbabayad ng loan kung sakaling pumanaw ang borrower, basta’t updated ang bayad.
Ang deadline ng aplikasyon ay magkakaiba sa bawat lugar: Oktubre 29 para sa Masbate; Oktubre 31 para sa Oriental Mindoro at Romblon; Nobyembre 1 para sa Cagayan at Pagudpud sa Ilocos Norte; Nobyembre 15 para sa Dagupan City at ibang bahagi ng Ilocos Norte; Nobyembre 30 para sa Cebu; at Disyembre 14 para sa Davao Oriental at Buluan sa Maguindanao del Sur.
Patuloy ding tumatanggap ang GSIS ng aplikasyon hanggang huling bahagi ng Oktubre para sa Rizal, Malabon, Marikina, Las Piñas, Navotas, Valenzuela, Caloocan, Muntinlupa, Parañaque, at Taguig.
Maaaring mag-apply ang mga miyembro at pensioner anumang oras at kahit saan gamit ang GSIS Touch mobile app. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa www.gsis.gov.ph, sundan ang @officialgsis.ph sa Facebook, Instagram, at TikTok, o tumawag sa (02) 8847-4747, o mag-email sa gsiscares@gsis.gov.ph. (MINA PADERNA)
