NANAWAGAN si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson, may-ari ng Metrowalk Commercial Complex, sa Department of Transportation (DOTr) na tuldukan na ang tatlong taong paghihintay at agad simulan ang Metro Manila Subway Project, na aniya’y matagal nang naaantala.
Ayon kay Singson, bilang presidente at chairman ng LCS Group of Companies, naglabas na siya ng Permit-to-Enter para sa proyekto noong Setyembre 30, 2022, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsisimula ang paghuhukay sa lugar na sakop ng Metrowalk sa Pasig City.
“Kami ay umaapela kay DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez na agad nang simulan ang matagal nang naantalang konstruksiyon ng Metro Manila Subway. Nagpadala na kami ng opisyal na liham sa kanila. Ngayon na ang oras para kumilos,” ani Singson.
Ang panawagan ay kasunod ng pagkapanalo ng Megawide Construction Corporation at mga kasosyo nitong Tokyu Construction at Tobishima Corporation mula Japan sa kontrata ng P17.75 billion project, na inaasahang magbabago sa daloy ng transportasyon sa Metro Manila.
Iginiit ni Singson na “dapat magsimula agad” ang proyekto, lalo’t ang pagkaantala ay nagtulak sa completion date nito hanggang 2032, o limang taon na pagkakabalam mula sa orihinal na target.
“Ang proyekto ay magiging isang malaking pagbabago para sa mass public transportation ng Metro Manila,” ayon kay Edgar Saavedra, chairman at CEO ng Megawide.
“Kami sa Megawide, kasama ang aming Japanese partners, ay handa at may kakayahan para isakatuparan ang makasaysayang proyektong ito,” dagdag pa niya.
Sa datos, kabilang ang Metro Manila sa mga lungsod na may pinakamalalang trapiko sa mundo, kung saan nawawalan ng hanggang 127 oras kada taon ang mga motorista dahil sa matinding siksikan sa kalsada.
Kapag natapos, inaasahang magpapabilis ng biyahe mula Quezon City hanggang NAIA sa loob lamang ng 35 minuto, mula sa dating mahigit isang oras, at magbibigay ng mas mabilis at episyenteng transportasyon para sa milyon-milyong Pilipino.
Layunin ng proyekto na buksan ang bilyun-bilyong oportunidad sa ekonomiya at bawasan ang trapikong matagal nang pasakit sa mga residente ng Metro Manila. (ARNOLD PAJARON JR)
