MULING pinanindigan ng Malacañang ang desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na italaga si dating Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang bagong Ombudsman, sa kabila ng pagtutol ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang press briefing nitong Lunes, tinugunan ni Palace Press Officer Claire Castro ang pahayag ng Pangalawang Pangulo.
“Kung ako ang presidente, hindi ko siya (Remulla) ia-appoint na Ombudsman,” pahayag ni VP Sara.
“Nagkataon po, hindi siya ang presidente. Kaya mahirap pong sagutin ang isang pangarap na hindi mangyayari ngayon,” tugon naman ni Castro.
Dagdag pa ng opisyal, buo ang tiwala ng Pangulo sa kanyang desisyon at sa kakayahan ni Remulla na ipatupad ang reporma sa tanggapan ng Ombudsman.
“Ang alam po natin, ang Pangulo ay nag-iisip nang mabuti at mas nakakaalam. Siya mismo ang nagsimula ng kampanya laban sa korapsyon at hindi niya kailanman poprotektahan o kakampihan ang mga nagnanakaw ng pondo ng bayan,” ani Castro.
Pinalitan ni Remulla si Samuel Martires, na natapos ang pitong taong termino noong Hulyo.
Sa naunang pahayag ng Presidential Communications Office (PCO) noong Oktubre 7, tiniyak ng Palasyo na nananatiling matatag ang administrasyon sa laban kontra katiwalian.
“The administration remains firm in its commitment to fight corruption wherever it exists. As Ombudsman, Remulla is expected to uphold transparency, strengthen anti-corruption measures, and ensure that justice is administered fairly and efficiently,” ayon sa PCO.
“There will be no sacred cows, no exemptions, and no excuses. Public office is a public trust, and those who betray it will be held accountable,” dagdag pa ng Palasyo. (BOYET BARBA JR)
