Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado, Setyembre 20, na ang P60 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na naibalik sa National Treasury ay ibabalik na muli sa state health insurer.
Ginawa ng Pangulo ang anunsyo sa kaniyang pagbisita sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila.
“So, I’m happy to be able to announce… Siguro, alam naman ninyong lahat ‘yong mga savings natin na galing sa iba’t ibang departamento, pero mainly from the Department of Public Works and Highways. ‘Yong P60 billion na ‘yan, ibabalik na natin sa PhilHealth,” ani Marcos.
“Nadagdagan na natin ang hawak ng PhilHealth, na ‘yong P60 billion na ginamit natin para sa iba’t ibang proyekto, dahil nagka-savings tayo, maidadala na natin ulit sa PhilHealth. Para, kagaya ng nasabi ko, palawakin ang kanilang serbisyo at pagandahin ang kanilang pamamalakad,” dagdag pa niya.
Gayunman, nananatiling nakabinbin sa Korte Suprema ang kaso na kumukuwestiyon sa legalidad ng paglilipat ng P89.9 bilyon mula PhilHealth patungo sa National Treasury.
Ilang grupo at health advocates ang naghain ng petisyon upang pigilan ang transaksiyon.
Ipinaliwanag naman ni Department of Finance Secretary Ralph Recto na ang direktiba ay alinsunod sa batas.
Ayon kay Recto, ang Republic Act No. 11975 o ang General Appropriations Act of 2024 ay naglalaman ng bagong “special provision” na nagpapahintulot sa gobyerno na kolektahin ang sobrang pondo mula sa mga government-owned and controlled corporations (GOCC) gaya ng PhilHealth.
Sa kabuuan, P60 bilyon lamang ang na-remit ng GOCC matapos magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema na pumigil sa huling tranche ng remittance.
Samantala, ayon kay Dr. Tony Leachon, isang independent health reform advocate, bagama’t positibong hakbang ang pagbabalik ng pondo, hindi pa ito ganap na solusyon.
“It affirms what many of us have been fighting for: that health funds earmarked by law must serve their rightful purpose. But let us be clear: this is not yet resolution. The Supreme Court has yet to decide on the constitutionality of the fund transfer,” ani Leachon.
Binigyang-diin niya na dapat managot ang mga opisyal na nag-apruba sa paglilipat ng pondo, at nanawagan na palakasin pa ang budget ng PhilHealth upang matugunan ang mga layunin ng Universal Health Care (UHC) Law, kabilang ang pagbawas ng out-of-pocket expenses, mas mataas na case rates, at zero balance billing para sa mga pasyente.
“Good governance is not just about correcting mistakes—it’s about ensuring they don’t happen again,” dagdag pa niya. (ARNOLD PAJARON JR)
