UMABOT sa mahigit 3,000 Kapampangan ang nagtipon sa Metropolitan Cathedral nitong Huwebes, Setyembre 18, upang dumalo sa misa at indignation rally laban sa umano’y malawakang katiwalian sa mga flood control project ng gobyerno.
Bitbit ang sigaw na “Isang Bayan, Isang Laban, Tapusin ang Katiwalian: Day of Prayer and Rage”, pinangunahan ng Concerned Citizens of Pampanga ang pagtitipon. Naka-tutok ang galit ng mga nagprotesta kay dating kinatawan Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na isinasangkot sa anomalya sa kanyang distrito.
Sentro ng isyu ang Candating Flood Control Project sa Arayat, na itinuturing sanang proteksiyon laban sa taunang pagbaha. Ngunit ayon sa mga residente, nananatiling substandard o hindi pa rin natatapos ang proyekto kahit nakalaan na ang pondo.
“Tuwing tag-ulan, lubog pa rin sa baha ang Candating. Nasaan na ang pera?” tanong ng isang nagprotesta.
Si Gonzales, dating House senior deputy speaker at kilalang kaalyado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nagbitiw na si Speaker Martin Romualdez, ay paulit-ulit nang nababanggit sa mga pagdinig sa Senado at reklamo ng mga komunidad kaugnay ng tinaguriang “flood project rackets.”
Wala pa itong inilalabas na detalyadong pahayag hinggil sa alegasyon.
Ang kilos-protesta ay kasunod ng pagbibitiw ni Romualdez kaugnay ng mas malawak na iskandalo sa flood control projects, na lalo pang nagdulot ng presyur sa ibang mambabatas na nadadawit sa testimonya at audit reports.
Tiniyak ng mga organizer na dadalhin nila ang usapin sa Setyembre 21 national rally sa Luneta Park at EDSA Shrine, kung saan inaasahan ang libu-libong lalahok upang ipanawagan ang pananagutan ng mga opisyal na sangkot sa umano’y korapsyon. (MINA PADERNA)
