Ang Australian na naaresto ng BI-FSU. (Kuha ni ARSENIO TAN)
ARESTADO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) ang isang Australian national na matagal nang overstaying at gumagamit umano ng iba’t ibang pekeng identidad sa bansa.
Kinilala ang suspek na si Dayle Marc George Campbell, 33, na dinakip sa Pertierra Street, Poblacion, Makati City sa ikinasang operasyon ng BI-FSU katuwang ang Makati City Police Intelligence Section mula gabi ng Setyembre 15 hanggang madaling-araw ng Setyembre 16.
Ayon kay FSU chief Rendel Ryan Sy, si Campbell ay nagtataglay ng mga alias na Dion Munro at Daniel John at nagpakilalang mamamayan ng Seychelles at Australia. Nakita sa reklamo na isinumite sa BI na gumagamit umano ito ng mga peke at fraudulent immigration documents at hiniling ang kanyang deportation.
Bukod dito, inireklamo rin umano siya sa mga aktibidad na may kinalaman sa droga at pananakit, at may record din ng mapang-abusong pag-uugali.
Base sa impormasyon mula sa Australian Embassy, nahaharap si Campbell sa kaso kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act noong 2021 na kinasasangkutan ng kanyang live-in partner. Natuklasan din umano na may hawak itong mga hindi lisensyadong baril.
Lumabas sa database ng BI na pumasok si Campbell sa bansa noong Pebrero 22, 2020 gamit ang kanyang Australian passport matapos dati namang gumamit ng Seychelles passport. Ipinapasok siya bilang temporary visitor subalit nabigong mag-apply ng visa extension, dahilan upang maging isang overstaying alien.
Samantala, kinumpirma rin ng United States Drug Enforcement Administration (DEA) na iniimbestigahan si Campbell dahil sa umano’y pagkakasangkot sa money laundering at illegal drug trafficking.
Nakaangkla rin siya umano sa isang outlaw motorcycle gang at gumagamit ng pekeng U.S. driver’s licenses. Sa ngayon, nasa kustodiya ng BI si Campbell habang isinasampa ang mga kaso ng deportation laban sa kanya. (ARSENIO TAN)
