MAS pinaigting ng Thailand ang paghahanda para sa 13th ASEAN Para Games matapos ang matagumpay na unang pulong ng mga Technical Delegates (TDs) kahapon.
Pinangunahan ni Preecha Laloon, deputy governor ng Sports Authority of Thailand (SAT) for Elite Sports and Sports Science, ang tatlong-araw na pagpupulong na dinaluhan ng mahahalagang opisyal mula sa ASEAN Para Sports Federation (APSF) at Thailand ASEAN Para Games Organizing Committee (THASOC).
Bumisita rin ang mga delegado sa iba’t ibang pasilidad ng palaro sa Nakhon Ratchasima (Korat), na itinakdang pangunahing host city, upang tiyakin ang kahandaan ng mga ito. Kabilang sa mga nakitang kailangang ayusin ay ang mga rampa, palikuran, at layout para mas maging accessible sa mga atleta.
Ayon sa THASOC, mahigit 3,000 atleta ang inaasahang lalahok mula Enero 20 hanggang 26, 2026, kung saan 536 gintong medalya ang nakataya sa 19 sports kabilang ang Para Swimming, Wheelchair Basketball, Para Athletics, Boccia, Chess, at iba pa. Ang ilang disiplina gaya ng Para Swimming at Para Cycling ay isasama sa international rankings at magsisilbing kwalipikasyon para sa mas malalaking torneo.
Ipinahayag ni Laloon na kumpiyansa ang mga pederasyon sa kakayahan ng Thailand.
“Nakhon Ratchasima has repeatedly hosted major international para sports events and has extensive experience… Thailand will successfully manage all aspects of the Games.”
Dagdag ni APSF President Maj. Gen. Osoth Bhavilai, tiwala silang magiging matagumpay ang palaro.
“Thailand has repeatedly proven its ability to stage para sports to world-class standards.”
Ang 13th ASEAN Para Games ay may temang “ASEAN Moving Together” at “Create Pride Together.” Ito rin ang pagbabalik ng torneo sa Nakhon Ratchasima makalipas ang 18 taon. (RON TOLENTINO)
