Isang negosyanteng matagal nang kaibigan ng pamilyang Duterte ang nanguna sa pagkopo ng bilyon-bilyong kontrata para sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao Region.
Batay sa datos na nakalap mula sa Sumbong sa Pangulo website, ang Genesis88 Construction Inc., na pag-aari ni Glenn Escandor, dating presidential assistant for sports ni Rodrigo Duterte, ay nakakuha ng halos P2.9 bilyon na halaga ng proyekto mula 2021 hanggang 2023.
Sa kabuuan, 35 flood control projects ang nakuha ng Genesis88, karamihan ay nasa Davao City. Katumbas ito ng 25% o isa sa bawat apat na flood control projects sa siyudad, partikular sa unang distrito na kinakatawan ni Rep. Paolo “Pulong” Duterte.
Si Escandor, na matagal nang kaalyado ni dating Pangulong Duterte, ay kilalang sports consultant nito noong alkalde pa si Duterte sa Davao. Bukod dito, nag-donate din ang Escandor Development Corporation (ESDEVCO) ng halos P20 milyon para sa kampanya sa pagkapangalawang pangulo ni Sara Duterte noong 2022.
Ayon sa source, matagal nang malapit ang pamilya Escandor sa mga Duterte, mula pa kay dating Col. Emilio Escandor hanggang sa kasalukuyang henerasyon nina Paolo at Glenn.
Itinatag ang Genesis88 noong 2018 at mula noon ay nakakuha na ng higit P6.8 bilyon na kontrata mula sa DPWH. Noong 2022, pinakamalaki ang nakuha nitong proyekto na umabot sa P1.8 bilyon.
Si Escandor ang nakalista bilang CEO at may 55% ng kumpanya, habang kasama rin sa board ang kanyang asawa at mga anak.
Noong 2017, idinawit ni dating Senador Antonio Trillanes IV sina Paolo Duterte at Escandor sa umano’y smuggling activities, bagay na itinanggi ni Duterte at ng kanyang ama. Sa kabila nito, nanatiling malapit ang relasyon ng dalawang pamilya.
Bukod dito, ginamit din umano ng Duterte camp ang The Royal Mandaya Hotel at Matina Enclaves Residences ng pamilya Escandor para sa kanilang mga operasyon at pagtitipon na umano’y libre dahil sa kanilang pagkakaibigan.
Sa Davao Region, natalo ng Genesis88 ang Legacy Construction Corporation, na pangalawa lamang na may halos P1.3 bilyon na halaga ng kontrata. Kasunod ang Rosbill Construction (P1.2B), Abu Construction (P1.1B), at Rely Construction (P1B).
Samantala, pang-anim ang kontrobersyal na Alpha and Omega General Contractor ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na may P900 milyon. (LIMUEL TOLENTINO)
