November 23, 2024

Malaking tulong ang naging pasya na ilipat sa Oktubre 5 ang pagbubukas ng klase

MARAMI ang natuwa sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na iurong ang pasukan sa darating na Oktubre 5 kasunod ng naging rekomendasyon ng Department of Education (DepEd).

Ang pagpapaliban nang pagbubukas ng klase, na nauna nang itinakda sa Agosto 24, ay paraan para bigyan ng sapat na panahon ang DepEd na makapaghanda.

Sa tatlong modalities na nais ng DepEd, ang blended learning kung saan gagamit ng self-learning materials ang mga estudyante ang siyang pinakaunang gagamitin.

Hindi pa kasi tapos ang mga local government units (LGUs) sa pagbili ng mga tablets at computers para naman sa online learning.

Makakatulong din ang hakbang na ito para sa mga frontliners, LGUs at national government upang sa gayon ay matutukan ng husto ang COVID-19 response.

Hindi nga naman pupuwedeng ipilit ang pagbubukas ng klase  kung panganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga guro at kawani ang magiging kapalit.

Dapat gamitin ang panahon na ito para sa inclusive na roll out ng learning continuity plan, pagbibigay ng dagdag pondo, suporta at proteksyon para sa mga guro at lahat ng learning personnel, gayundin ang paghahanda na para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.

Malaking bagay ang pag-urong sa pasukan dahil dahil kahit papaano ay magkakaroon pa ng sapat na panahon ang DepEd, mga pribadong paaralan, mga guro at ng mga magulang na gumawa ng paraan upang makumpleto ang kanilang mga kailangan para sa blended learning.

Wala naman kasing dahilan para madaliin ang pagbubukas ng klase alinsunod na rin sa Republic Act 11480 na nagpapalawig sa school calendar mula 200 days pero hindi lalagpas ng 220 days.

Una nang tiniyak ng DepEd na dumaan sa masusing konsultasyon sa kanilang mga stakeholders ang pasyang pagpapaliban sa pagbubukas ng klase sa Oktubre.

Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, kabilang sa kanilang mga nakonsulta ang mga magulang at iba’t ibang mga local government units.

Kanila rin daw ikinonsidera ang ilang mga bagay tulad ng hamon sa pag-download ng mga modules ng mga guro.

Tinimbang umano nila ang lahat ng feedback bago magpasya sa magiging rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi pa ni Briones na saklaw sa bagong kautusan ang lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.

Nilinaw naman ng kalihim na ang mga private schools na nakapagsimula na ng klase ay hahayaan na ng DepEd pero dapat ay sumunod sila sa ipinatutupad na minimum health standards.

Tama lamang ang naging pasya ng Pangulo at ng DepEd para sa kapakanan ng lahat.