UMABOT sa bilang na 23,002 indibidwal ang mga nahuling lumabag sa batas-trapiko ng Land Transportation Office (LTO) Calabarzon noong buwan ng Agosto 2025, batay sa inilabas na ulat ng nasabing ahensiya.
Ang naturang operasyon ay pinangunahan ni LTO Calabarzon Regional Director Elmer J. Decena, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., sa pangangasiwa ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Atty. Giovanni Z. Lopez at LTO Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, na layuning paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas trapiko para sa kaligtasan ng lahat ng mga motoristang gumagamit ng kalsada.
Kabilang sa mga nahuli ang 10,114 na hindi rehistradong mga sasakyan, 4,808 paglabag sa paggamit ng seatbelt, 106 na colorum na sasakyan, at 7,974 iba pang paglabag sa batas trapiko.
“Ang pagpapatakbo ng hindi rehistradong mga sasakyan at paglabag sa batas-trapiko ay banta sa kaligtasan ng publiko at hindi kailanman palalagpasin. Ang LTO Calabarzon ay nagpataw na ng kaukulang parusa at patuloy na nagpapa alala na ang hindi pagsunod sa batas trapiko ay magreresulta sa mas mabigat na parusa at ang pagsunod sa batas ay hindi opsyonal, ito ay Isang obligasyon ng bawat isa,” ayon kay RD Decena.
Siniguro din ng LTO Calabarzon sa publiko na magpapatuloy ang kanilang mas pinaigting na kampanya upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa bawat lansangan sa buong Calabarzon Region 4A. (KOI HIPOLITO)
