Mariing itinanggi ni Marikina City First District Rep. Marcelino “Marcy” Teodoro ang mga akusasyon ng mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya na idinadawit siya sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Teodoro, malinaw na “diversionary tactics” lamang ito matapos niyang ibulgar na may proyekto ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 2026 National Expenditure Program (NEP) na tapos na pero isinama pa rin sa budget, isang malinaw na kaso ng double funding.
“Walang katotohanan ang mga paratang ng mga Discaya. Isa lang itong demolition job, isang cheap shot para siraan ako,” pahayag ni Teodoro.
Paliwanag ng mambabatas, hindi pa siya kongresista nang ma-award ang mga proyekto sa Discayas, kundi panahon pa ng yumaong si Cong. Bayani Fernando.
“Ang mga DPWH projects na napunta sa mga Discaya ay bago pa ako maupo bilang kongresista, 2020 o 2021, hindi 2022 pataas. Wala akong kinalaman doon dahil hindi pa ako nakaupo noon,” giit ni Teodoro.
Binigyang-diin pa ng kongresista na wala siyang tinanggap na anumang benepisyo mula sa mga proyekto.
“Never akong humingi o tumanggap ng pera, pabor, o anumang benepisyo kapalit ng political influence o legislative action. Paninira lang ito.”
Nakatakda umanong magsampa ng kaso si Teodoro laban sa mag-asawang Discaya dahil sa pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa.
“Maghahain ako ng perjury dahil may false testimony sila sa legislative hearing. Hindi ko hahayaang dungisan ng kasinungalingan ang pangalan at integridad ko,” aniya.
Hinimok din ni Teodoro ang publiko na huwag basta-basta maniwala sa disinformation at maging mapanuri sa motibo ng mga nagsasabog ng maling impormasyon.
“Handa akong makipagtulungan sa anumang patas at transparent na imbestigasyon para patunayan ang aking pagiging inosente,” dagdag ng mambabatas.
