Nakatanggap na ng pondo ang Department of Health (DOH) mula sa Department of Budget and Management (DBM) para sa Health Emergency Allowance (HEA) ng mga health at care workers sa bansa. Umabot sa P6.767 bilyon ang inilabas upang bayaran ang natitirang balance ng HEA claims ng kwalipikadong medical frontliners.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, layon ng pondo na tuluyang bayaran ang mga pending claims sa loob ng ilang buwan.
“Maraming salamat po sa DBM at nailabas na nila ang Special Allotment Release Order (SARO) na utos ng ating Pangulo para sa P6.767 bilyon na balanse ng Health Emergency Allowance,” ani Herbosa sa isang pahayag noong Martes, Setyembre 2.
Tiniyak ng kalihim na agad mababayaran ang benepisyo sa mga rehistradong frontliners.
“Tulad noong nakaraang taon, nakita natin na sa loob lamang ng humigit-kumulang dalawang buwan pagkalabas ng SARO ay nababayaran agad ng DOH ang mga pending claims ng ating mga health and care workers na kwalipikado para sa benepisyo,” dagdag niya.
“Basta rehistrado na ay dapat makuha agad ang HEA,” dagdag pa niya.
Pinayuhan din ni Herbosa ang mga local government units (LGUs), private hospitals, at clinics na tiyaking mabilis at maayos ang pagpapalabas ng allowance sa kanilang mga empleyado pagkatanggap ng pondo mula sa DOH.
“Tayo po ay nagpapaalala sa ating mga LGU at private hospitals o clinics na siguraduhing mabilis at maayos ang pagbayad sa mga health and care workers pagkatanggap ng pondo mula sa DOH,” aniya.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na suporta ng gobyerno sa mga medical frontliners na patuloy na nagsisilbi sa gitna ng pandemya at iba pang health emergencies.
