Sabay na pinatunog nina OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr. at Japanese Ambassador H.E. Endo Kazuya ang Kampana ng Kapayapaan sa 21st World Peace Bell Ceremony sa Quezon Memorial Circle, Setyembre 1, 2025. (Kuha ni ART TORRES)
Hinimok ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. ang lahat ng Pilipino na makipagtulungan sa pamahalaan upang mapanatili at mapalawig ang mga naabot na tagumpay ng peace process sa bansa.
“It is not the work of the government alone. It is a shared responsibility that requires all sectors of society to work hand-in-hand to realize our common vision. Everyone has an important role to play in this collective effort. No one should be left behind,” pahayag ni Galvez kasabay ng pagbubukas ng National Peace Consciousness Month 2025 ngayong Setyembre.
Kasabay nito, hinimok din ng kalihim ang publiko na magnilay kung ano ang kahulugan ng kapayapaan sa bawat isa at kung paano sila makakatulong sa pagsusulong ng pagkakaunawaan at pagkakaisa.
Tema ng selebrasyon ngayong taon ang “Mapayapang Bukas, Abot-Kamay sa Bagong Pilipinas,” na naglalayong kilalanin ang mga milestone sa kapayapaan at magsilbing panawagan tungo sa isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
Ipinahayag ni Galvez na ang tema ay isang malinaw na paalala na ang mithiin para sa katahimikan ay hindi lang tungkulin ng pamahalaan kundi isang kolektibong layunin ng sambayanang Pilipino.
Ang buwan ng Setyembre ay idineklarang National Peace Consciousness Month sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 675 noong 2004, upang pag-isahin ang lahat ng Pilipino anuman ang tribo, relihiyon, o paniniwala sa pagsusulong ng kultura ng kapayapaan sa buong kapuluan. (Kuha ni ART TORRES)
