Nagliyab ang Araneta Coliseum nitong Linggo ng gabi, Agosto 31, matapos masungkit ng PLDT High Speed Hitters ang kampeonato sa PVL Invitational Conference sa pamamagitan ng matinding panalo kontra sa Japanese collegiate squad na Kobe Shinwa University, 21-25, 31-29, 25-22, 25-18.
Mula sa pagiging team na walang titulo mahigit dalawang linggo ang nakaraan, ngayo’y dalawang beses nang kampeon ang High Speed Hitters at unang beses nilang nakamit ang back-to-back championship sa kasaysayan ng liga.
Muling nagpasabog ng 19 kills si Savi Davison, ang Fil-Canadian powerhouse, para sa kabuuang 20 puntos at tinanghal na Conference MVP.
Habang nagliyab rin ng 17 puntos si Kiana Dy, kabilang ang apat na solidong block. Nakatulong din ang 15 pts ni Rookie sensation Alleiah Malaluan at 12 pts ni veteran blocker Mika Reyes.
Hindi naging madali ang laban, muntik pang maagaw ng Kobe Shinwa ang ikalawang set, pero nakabalikwas ang PLDT mula sa 18-21 deficit at sinelyuhan ang set matapos sa serye ng atake nina Davison, Dy at Fajardo. Pagkatapos nito, nagmistulang lutang ang Japanese squad sa sunod na mga set dahil sa sunod-sunod na unforced errors.
“They’re a really good team. It’s one of the hardest games we played this year… pero alam naming kapag nagbigay sila ng pagkakataon, kukunin namin,” wika ni Davison matapos ang laban.
Samantala, ipinakita ng team captain na si Kath Arado (Best Libero awardee) ang emosyon matapos ang panalo.
“Every sacrifice paid off. Sobrang proud ako sa team na ‘to,” aniya.
Sa kabila ng pagkatalo, bumida pa rin si Nagisa Komatsuda ng Kobe Shinwa na may 22 puntos at itinanghal na Best Outside Spiker kasama si Creamline star Jema Galanza.
Sa dulo, muling pinatunayan ng PLDT High Speed Hitters na hindi lang sila mabilis kundi sila ay makapangyarihan, matatag, at karapat-dapat sa korona. (RON TOLENTINO)
