Mahilig ang mga Pilipino sa fairytales, pero ngayong 2025, hindi galing sa Disney ang trending kundi mula sa Instagram feed ng tinaguriang “Disney Princess Nepo Babies.”
Sila ang mga anak at tagapagmana ng political dynasties at old-money clans na namumuhay parang royalty, hindi dahil may naitayo silang sariling pangalan, kundi dahil mabigat ang apelyidong dala.
Isa sa umagaw ng pansin ay si Claudine Co. Sa social media, punong-puno ang kanyang mundo ng luxury OOTDs at jet-set lifestyle. Pero ayon sa mga netizen, ang yaman ng kanilang pamilya ay nakatali umano sa bilyong pisong flood-control projects ng gobyerno.
Mula sa #blessed, bigla itong nagmukhang #bloodsweatandtaxpayer. Matapos ang matinding backlash, nilinis ang kanyang Instagram feed, pero huli na. Sa mata ng publiko, naging simbolo siya ng pribilehiyong walang pananagutan.
Ngunit hindi lahat ng “nepo babies” ay nakasandal lang. Halimbawa ay si Kris Aquino. Bilang anak ng dating Pangulong Cory Aquino at kapatid ng dating Pangulong Noynoy Aquino, hawak niya ang “master key.” Pero imbes na puro gala, pinaghirapan niya ang kaniyang korona.
Nitong 2000s, siya ang tinaguriang “Queen of All Media”, mula talk shows, game shows, pelikula, commercials, hanggang endorsements. At higit sa lahat, nagbayad siya ng buwis.
Halimbawa ng kanyang tax records:
• 2008: ₱25.4M (Top 8 taxpayer)
• 2011: ₱49.87M (No. 1 taxpayer sa bansa)
• 2014: ₱54.53M (Top 6)
• 2015: ₱61.74M
Sa madaling salita, mas malaki pa ang buwis na binayaran ni Kris sa isang taon kaysa sa ilang bilyonaryong gumagamit ng shell companies para umiwas sa obligasyon.
Sa kaso ni Claudine at iba pang “Disney Princesses,” malinaw ang leksyon na ang pribilehiyo na walang pananagutan ay pangit tingnan.
Samantalang si Kris, pinatunayan na kahit ipinanganak ka sa kapangyarihan, maaari mong makuha ang respeto ng tao sa pamamagitan ng sipag, transparency, at pagbabayad ng tamang buwis.
