Muling nabunyag ang malalim na ugat ng katiwalian sa mga flood control at infrastructure projects matapos isiwalat sa isang kolum noong Agosto 23 ni Ramon Tulfo ang umano’y pagkakasangkot ni Commission on Audit (COA) Chairman Mario Lipana at ng kanyang asawa na si Malu sa malawakang korapsyon sa pamahalaan.
Ayon kay Tulfo, matagal nang praktis na binabayaran ang ilang COA auditors upang pumikit sa mga iregularidad sa paggastos ng pera ng bayan. Giit niya, kabilang umano sa nakikinabang dito ang mag-asawang Lipana.
Binanggit sa kolum na si Malu Lipana ay hindi lamang contractor ng ilang flood control at infrastructure projects, kundi supplier din umano sa Makati City Hall. Ginagamit umano ng ginang ang posisyon ng kanyang asawa upang makakuha ng mga kontrata.
Dahil dito, inakusahan ni Tulfo na hindi mahigpit na naa-audit ng COA ang pamahalaang lungsod ng Makati. Isa umano sa kontrobersyal na proyekto ay ang Makati Life Medical Center, na itinayo sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) scheme.
Ayon pa sa ulat, nakakuha ng P5-bilyong loan mula sa Development Bank of the Philippines (DBP) para sa proyekto, ngunit sa kabila ng mga “red flags,” hindi umano ito na-audit ng COA.
Inihayag ni Tulfo na personal na tinanggap ng mag-asawang Lipana ang mga suhol, kabilang ang paglalakwatsa sa Tokyo at pagtanggap ng malaking halaga mula umano sa isang law firm na malapit sa mga opisyal ng Makati.
Hanggang sa ngayon, wala pang opisyal na tugon ang panig nina Chairman Lipana at ng kanyang asawa hinggil sa mga ibinulgar ni Tulfo.
