November 24, 2024

Kelot na nagmura at nanakot sa 2 paslit, nakuhaan ng shabu

ARESTADO ang isang lalaki matapos makuhanan ng shabu ng mga pulis makaraang i-reklamo ng pagmumura at pananakot sa dalawang batang lalaki habang may bitbit na hindi nabatid na kalibre ng baril sa Caloocan City.

Nahaharap sa mga kasong grave threat in relation to R.A. 7610 at paglabag sa R.A. 9165 si Larry Relavo, 48 residente ng Ilang-Ilang St. Rainbow Village 5, Brgy. 171, Bagumbong.

Alas-3 ng hapon, nakatayo ang dalawang biktimang edad 13 at 9-anyos sa harap ng bahay ng suspek nang murahin umano at takutin ni Relavo habang may hawak na baril kaya’t nagsumbong sila sa kani-kanilang magulang.

Kaagad nagtungo sa Caloocan Police Sub-Station-9 sina Criselda Valenton, 25 at Jennifer Asuncion, 26, kapuwa rin ng Rainbow Village-5 upang isumbong ang ginawang pananakot ng kapitbahay sa kani-kanilang anak matapos pagbintangan na silang kumalabog sa gate ng suspek.

Matapos makuhanan ng salaysay ang ina ng mga biktima, nagtungo sa lugar ng pinangyarihan sina Cpl. Renz Joseph Garcia at Cpl. Sunder Ji Aying alas-7 ng gabi at natiyempuhan ang suspek habang nakatayo sa harap ng kanyang bahay.

Nang kapkapan ng mga pulis si Relavo, nakuha sa kanyang bulsa ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng 3.2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P22,000 bagama’t ang baril na ipinanakot sa mga biktima ay hindi na nakuha sa kanya