
Ipinangako ni First Lady Liza Araneta-Marcos na patuloy na i-iinvest ng gobyerno ang turismo at gagawing mas smooth at hassle-free ang paglalakbay para sa mga turista sa bansa.
Sa MOPC Grand Tourism Night sa New World Makati Hotel nitong Biyernes, sinabi ng First Lady na ang turismo ay malaking tulong sa ekonomiya, na nag-ambag ng 8.9% sa GDP noong 2024.
“Kaya naman pinapaganda namin ang mga paliparan, pinatitibay ang konektibidad, at ginagawang mas maayos ang travel experience,” ani Marcos. Dagdag pa niya, mas maraming turista, mas maraming trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino.
Ginawaran sa event ang 16 MOPC Grand Tourism awardees, kabilang sina Sonya’s Garden, New World Hotel Makati, Shangri-La The Fort, Globe, Jollibee, SM, San Miguel, at MVP Group. Dumalo rin ang mga top execs tulad nina Ramon Ang, Kevin Tan, at Rafael Aboitiz.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, ang halos 7 milyong Pilipinong nagtatrabaho sa turismo ay bunga ng maingat at strategic na hakbang ng gobyerno para sa matibay na industriya.
Si First Lady Marcos rin ay ginawaran ng MOPC Transformative Power Award bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa turismo.
