Camp Castañeda, Silang, Cavite — Inaresto noong Hulyo 31, 2025, ang isang pulis na may ranggong Police Major matapos ireklamo ng sexual harassment ng isang kadete na noon ay nasa isolation facility habang inaasikaso ang kanyang paglabas mula sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Ayon sa opisyal na pahayag ng PNPA, nasa kustodiya na ngayon ng mga awtoridad ang suspek. Naisampa na rin ang kasong kriminal sa nasabing police official habang naghahanda naman ang PNPA ng kasong administratibo laban sa suspek.
Tiniyak naman ng pamunuan ng PNPA na patuloy na tumatanggap ng psychological support ang biktima, at nanawagan ito sa publiko na igalang ang kanyang privacy.
Bilang tugon sa insidente, nagpapatupad na ng mas mahigpit na mga hakbang ang pamunuan ng PNPA upang palakasin ang kanilang internal procedures, kabilang na ang masusing beripikasyon sa mga itatalagang personnel sa loob ng akademya.
Giit ng PNPA, ito ay isang isolated case at hindi kailanman kinukunsinti ng institusyon ang anumang uri ng pang-aabuso. (ERICHH ABRENICA)
