Nagsagawa ng panibagong hakbang tungo sa mas malinis at sustenableng enerhiya ang Manila Electric Company (Meralco) matapos nitong pirmahan ang isang Power Supply Agreement (PSA) kasama ang First Quezon Biogas Corporation (FQBC) para sa 1.25 megawatts (MW) ng renewable energy (RE) mula sa isang biogas power plant sa Candelaria, Quezon.
Ang planta, na may kabuuang kapasidad na 1.4 MW, ay gumagamit ng makabagong anaerobic digestion technology na ginagawang kuryente ang basura mula sa mga lokal na sakahan at hayop sa nasabing lalawigan.
Bukod sa pagbibigay ng abot-kayang RE supply para sa Meralco, layon din ng proyekto na solusyunan ang matagal nang problema sa basura ng agrikultura sa Quezon, habang sabay na binabawasan ang greenhouse gas emissions—isang konkretong tugon sa mga layunin ng bansa kontra climate change.
“Inaasahan naming ang kasunduang ito ay magbibigay inspirasyon sa mas maraming mamumuhunan sa biogas technology, lalo na sa mga rural na komunidad,” ayon kay Meralco Senior Vice President at Regulatory Management Head Jose Ronald V. Valles.
Ihahain na ang PSA sa Energy Regulatory Commission (ERC) para sa pormal na pagsusuri at pag-apruba. Sakop ng kontrata ang 20 taon at inaasahang magsisimula ang suplay sa Hunyo 26, 2026.
Ang naturang kasunduan ay bahagi rin ng pagsunod ng Meralco sa Renewable Portfolio Standards (RPS) ng Department of Energy (DOE), kung saan inaatasan ang mga power distributor na kumuha ng bahagi ng kanilang suplay mula sa renewable energy sources. Layunin ng pamahalaan na maitaas ang bahagi ng RE sa energy mix ng bansa sa 35% pagsapit ng 2030 at 50% sa 2040.
Sa ngayon, umabot na sa 1,535 MW ang kabuuang secured RE capacity ng Meralco mula sa iba’t ibang supplier—lampas sa inisyal nitong target na 1,500 MW. Tinatayang aabot sa 26% ang bahagi ng RE sa kabuuang suplay ng Meralco pagsapit ng 2030.
Isa na namang hakbang patungo sa mas luntiang kinabukasan para sa bansa.
