Matikas ang ipinakita ng Gilas Pilipinas matapos padapain ang matibay na koponan ng Jordan, 75-61, sa isang closed-door tune-up game na ginanap sa Al Ahli Sports Club sa Jeddah nitong Linggo ng madaling-araw, Agosto 3 (oras sa Maynila), bilang bahagi ng paghahanda para sa FIBA Asia Cup 2025.
Bagamat walang live coverage, nagbigay ng updates ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at inanunsyo ang impresibong panalo kung saan sina Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Scottie Thompson, at Calvin Oftana ang nagsalpak ng mga crucial three-pointers para itaboy ang anumang comeback attempt ng Jordan sa huling yugto.
Lumamang agad ang Nationals, 40-29, sa pagtatapos ng first half. Bahagyang bumawi ang Jordan sa third quarter at nailapit sa walo ang agwat, 55-47, ngunit agad itong sinawata ng Gilas sa huling 10 minuto ng laban.
Ayon kay Coach Tim Cone, ginamit nila ang laban bilang sukatan kung nasaan na ang kondisyon ng team bago sumabak sa Asia Cup.
“Hindi pa kami ganap na handa, pero malaking bagay ang larong ito para malaman kung saan pa kami dapat mag-improve,” ani Cone sa panayam ng One Sports.
“Mas mahalaga sa amin ang kalidad ng execution, ang depensa, at kung paano gumagalaw ang team bilang isang unit, kaysa lang sa resulta,” dagdag niya.
Hindi basta-basta ang nakalaban ng Gilas — ang Jordan ang koponan na tinalo ng Pilipinas para tuldukan ang 61-taong gold medal drought sa Asian Games noong 2023. Dagdag pa rito, 4th placer ang Jordan sa huling Asia Cup noong 2022, habang ang Gilas ay nasa ika-9 na puwesto — ang kanilang pinakamababang finish mula 2007.
Sa kabila ng pagiging tune-up game, itinuturing itong matibay na pahiwatig ng pormang inaabot ng Gilas sa ilalim ng bagong sistema ni Coach Cone. Patuloy ang pagsasanay ng national squad para sa darating na Asia Cup, kung saan target nitong bumawi at muling makaposte sa itaas ng standings ng kontinente.
Ang tanong na lang: Kaya bang panindigan ng Gilas ang momentum na ito sa tunay na laban? Malalaman na sa darating na FIBA Asia Cup 2025. (RON TOLENTINO)
