Walang takot na pinatamaan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang mga mambabatas na nagpalakpakan sa pagbibigay-puna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga anomalya sa flood control projects sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Sa kanyang post sa X nitong Huwebes, sinabi ni Lacson,
“Gusto kong maniwala na ang standing ovation ay para sa mga mambabatas na malinis pa ang kamay mula sa grease money na kinasangkutan ng mga graft-ridden flood control projects. Ang iba na nagpalakpakan ay mga shameless hypocrites lang.”
Sa panayam sa Radio DZRH, ibinahagi ni Lacson na tila naguguluhan pa raw ang ilan bago sila sumabay sa palakpak at standing ovation, na para bang nagulat sila sa sinabing puna ng Pangulo.
Pinangakuan ng senador na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng isang independent audit at imbestigasyon sa mga proyekto sa flood control, kung saan nais niyang hindi lang DPWH ang mamuno, dahil sa alegasyong may kinasangkutan ito sa katiwalian sa halos P2-trilyong pondong inilaan mula 2011.
“Hindi pwedeng puro government agencies lang dahil maraming naniniwala na sangkot ang DPWH kaya posibleng i-whitewash nila ang ulat para sa Pangulo,” paliwanag ni Lacson.
Hinimok din niya na bumuo ng isang independent body na may kasamang mga sibilyan at NGOs upang masigurong tapat at bukas ang imbestigasyon. Ayon sa kanya, maraming tao na ang sawa na sa korupsyon at handang tumulong para ilantad ang katotohanan.
Nanawagan rin siya sa DPWH Secretary Manuel Bonoan na huwag magpadala sa pressure ng ilang mambabatas na ipasok ang kanilang mga proyekto o magtalaga ng district engineers — isang problema raw na nangyari noong panahon ni dating DPWH Secretary Rogelio Singson.
“Sana bumalik ang panahon ni Singson na gumagamit ng online apps para masubaybayan mismo ang progreso ng mga proyekto,” pagtatapos ni Lacson.
Matindi ang panawagan ni Lacson para sa matapang at malinis na paglilinis sa sektor ng flood control, na inaasahang magiging susi sa pagharap sa lumalalang problema sa baha sa bansa.
