CALAMBA CITY – Isa na namang bayani ng bayan ang nasawi sa giyera kontra droga matapos masawi ang isang operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa gitna ng buy-bust operation na nauwi sa madugong engkwentro sa lungsod na ito.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez ang nasawing operatiba na si Intelligence Officer I Raffy Escobido, 31-anyos, miyembro ng PDEA Regional Office IV-A Special Enforcement Team 2 at nagtapos sa Drug Enforcement Officers’ Basic Course (DEOBC) Class 2017-11 “Gandilan” ng PDEA Academy.
Ayon sa ulat, nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Escobido matapos makipagpalitan ng putok sa dalawang armadong suspek sa isang anti-drug operation sa Calamba noong gabi ng Hulyo 20. Habang tinutugis ng mga operatiba, nakatakas ang mga suspek sakay ng isang sasakyan. Patuloy ang isinasagawang manhunt operation laban sa kanila.
Binawian ng buhay si Escobido habang ginagamot sa ospital.
Dahil sa insidente, inatasan ni Usec. Nerez ang lahat ng tanggapan ng PDEA – mula national hanggang regional level – na ibaba sa half-mast ang watawat bilang pakikiisa sa pagdadalamhati sa nasawing operatiba.
“We are deeply saddened by the untimely loss of one of our own. We extend our sincerest condolences to the bereaved family. May his soul rest in eternal peace,” ani Nerez.
Giit ng opisyal, hindi hahayaan ng PDEA na mabaon sa limot ang sinakripisyo ni Escobido.
“His death will not be in vain. This will only heighten our resolve to pursue every member of the illegal drugs industry. For those behind this dastardly act, we will not rest until you face the full force of the law,” mariing babala ni Nerez.
Patuloy ang imbestigasyon habang hinahanap ang dalawang suspek na responsable sa pagkamatay ng ahente. (ERICHH ABRENICA)
