DAVAO CITY — Sumiklab na naman ang banat ni Acting Mayor Baste Duterte matapos niyang tanggapin ang hamong suntukan ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III — pero may matinding kondisyon: Dapat mag-utos muna si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng hair follicle drug test para sa lahat ng halal na opisyal sa bansa.
Sa video na ibinahagi sa kanyang opisyal na Facebook page nitong Huwebes, walang preno ang litanya ni Baste laban kay Torre:
“Huwag kang mag-alala, Torre, kasi matagal ko na talagang gustong makabugbog ng unggoy. Kung suntukan lang ‘yan, bakit kailangang may charity-charity pa?”
Binanatan din ni Baste ang paggamit ng kasalukuyang baha sa Metro Manila bilang “pang-cover” ng laban.
“Kung seryoso ka talaga sa charity na ‘yan, eh di ako rin may kondisyon. Pakiusapan mo ‘yang amo mong Presidente na siya mismo ang magsabi na lahat ng elected officials ay dapat sumailalim sa hair follicle drug test. Pag sinabi niya ‘yan — game ako sa boxing mo,” matapang na hamon ni Baste.
“Walang problema kung ‘yan ang makakasagot sa mga isyu sa bansa. Gagawin ko ‘yan,” dagdag pa niya.
Nagsimula ang gulo matapos ang pagkakakulong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso. Nagalit si Baste sa papel umano ni Torre sa pag-turnover ng ama sa ICC.
Nang tumanggap si Torre ng hamon ni Baste, iminungkahi nitong gawin ang suntukan bilang “charity match” para sa mga biktima ng pagbaha. Pero hindi ito ikinatuwa ng anak ni Digong.
Ang hair follicle drug test ang panukala ni Baste — isang uri ng pagsusuri na kayang matukoy ang paggamit ng ilegal na droga sa nakalipas na buwan o taon. Ang tanong: Papayag ba si PBBM? Tahimik pa ang Palasyo sa panawagang ito
