DAVAO CITY — Matapos ang kontrobersyal na laban ni Pacquiao kontra Barrios, panibagong bakbakan ang aabangan ng bayan — Mayor Sebastian “Baste” Duterte vs. PNP Chief Gen. Nicolas Torre III!
Sa isang matapang na pahayag sa Basta Dabawenyo Podcast, tahasang hinamon ni Baste si Torre sa isang suntukan, kasabay ng maaanghang na banat:
“Matapang ka lang kasi may posisyon ka. Pero kung magsuntukan tayo, alam ko makaya kita… You’re a coward!”
Ang hamon, agad namang tinanggap ni Gen. Torre, na tila handang makipagbasagan ng mukha sa Araneta Coliseum ngayong Linggo, sa ilalim pa mismo ng refereeing skills ni Manny “Pacman” Pacquiao! Pero may twist — charity match ito para makatulong sa mga biktima ng bagyo at pagbaha.
“Magandang pagkakataon ito para makatulong. Lahat ng kita, para sa charity,” ani Torre. “Wala namang personalan sa akin. Kung seryoso siya, go. Kung hindi, nasa kanya ‘yun. Siya ang naghamon.”
Ayon pa sa PNP chief, kahit wala silang parehas na training, handa siyang sumabak. “Bukas, hit lang ako ng gym sandali,” pabirong dagdag niya.
Hindi ito ang unang beses na nagkabanggaan ang dalawa. Binatikos ni Baste si Torre dahil hindi raw siya pinayagang pumili ng sariling police chief sa lungsod. Bukod pa rito, si Torre rin ang nanguna sa pag-aresto kay Pastor Apollo Quiboloy, kilalang kaalyado ng mga Duterte, kasama ang lima nitong tauhan sa kasong child abuse at human trafficking.
Mas lalong nag-init ang galit ni Baste matapos arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte at ipadala sa The Hague dahil sa isyu ng crimes against humanity. Ayon kay Baste, “dinukot” daw ng PNP chief ang ama niya.
Tinawag pa ni Baste si Torre na “Diwata,” dahil sa isang vlogger na kamukha umano ng heneral, at inakusahan itong pineke ang crime stats sa Davao at tumambay raw sa mga property ni Quiboloy.
