“Hindi lang para sa laboratoryo ang siyensya — para ito sa masa!”
‘Yan ang paninindigan ng Department of Science and Technology (DOST) na patuloy na itinutulak ang mga proyekto sa innovation at technology transfer para sa negosyo, kalusugan, at kabuhayan!
Sa isang presscon na ginanap sa Manila Hotel, inilahad ni DOST Secretary Dr. Renato Solidum Jr. ang kahalagahan ng National Research and Development Conference (NRDC), alinsunod sa Technology Transfer Law.
“Gusto naming iparating sa publiko ang mga inobasyon at teknolohiyang ginagawa ng DOST,” ani Solidum.
Tampok sa mga pananaliksik ang mga teknolohiyang may kinalaman sa food industry, malnutrisyon, at obesity, pati na rin ang mga proyekto sa Mindanao State University (MSU) na may kinalaman sa oil industry.
Hindi rin nagpahuli si Solidum sa paanyaya sa mga investors para sa 8th NRDC:
“Sa lahat ng pananaliksik, nandiyan ang suporta ng DOST. Layunin naming mapadali ang pag-apruba ng kanilang mga proyekto sa mga regulatory bodies.”
Ayon pa kay Solidum, mula sa production hanggang sa commercialization, may mga hadlang gaya ng taripa, pero nakikita rin dito ang oportunidad para makumbinsi ang mas maraming mamumuhunan.
Hindi raw para sa tubo ang lahat ng proyekto ng DOST — may ilan na talagang para sa LGUs, tulad ng proyektong pabahay kasama ang DHSUD.
Plano rin umano ng DOST na magtayo ng Central Hub para sa central data system ng ahensya. May iniaalok din silang AI-based innovations, at teknolohiya para sa food security, na katuwang ang DSWD.
Sa larangan naman ng pagkain, pumatok ang programang “Food Trip” kung saan ginagamit ng mga beverage companies ang teknolohiyang binuo ng DOST para mas mapakinabangan ang kanilang produkto.
Samantala, binigyang-diin ni Dr. Reynaldo Ebora ng PCAARRD ang mas pinaigting na laban kontra cocolisap gamit ang mass production ng mga anti-infestation insects. Highlight rin ang proyektong “Itik Pinoy” sa New Bilibid Prison, na layong palawakin sa iba pang kulungan.
Aniya, nasa presyo ng pakain ang dahilan ng taas-presyo ng itlog — kaya tinitingnan na rin ng DOST ang buong value chain para mapakinabangan ang oversupply.
Ayon kay DOST Usec. Lea Buendia, ngayon na raw ang “harvest season” ng mga proyekto. Sa 2,000 proposals kada taon, 10–20% ang nakokomersyalisa.
Dagdag pa ni Dr. Enrico Paringit ng PCIEERD, may mga teknolohiyang sumasaklaw sa armor vest, smart cities, at coastal engineering para sa mga lugar na palaging binabaha.
Hindi rin nagpahuli si Dr. Jaime Montoya ng PCHRD, na ibinida ang naging papel ng siyensya noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Isa na rito ang pakikipag-ugnayan sa PhilHealth para sa mas pinalawak na coverage ng mga sakit.
