Isinailalim sa state of calamity ang Marikina City at bayan ng Cainta matapos ang matinding pagbaha na dulot ng walang tigil na buhos ng ulan mula sa habagat.
Unang nagdeklara si Cainta Mayor Keith Nieto matapos aprubahan ng Sangguniang Bayan ang resolusyon base sa rekomendasyon ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC). “Agarang kikilos ang pamahalaan upang masigurong ligtas ang bawat mamamayan,” giit ni Nieto.
Ayon sa lokal na pamahalaan, pitong barangay sa Cainta ang labis na naapektuhan ng pagbaha. Kaagad namang nagpakalat ng mga tauhan ang munisipyo para magbigay ng door-to-door food packs sa mga nasalantang pamilya.
Samantala, hapon ng Miyerkules, opisyal na ring nagdeklara si Marikina City Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ng state of calamity sa buong lungsod sa bisa ng City Council Resolution No. 25-013.
“Layunin nito na mapabilis ang paghatid ng tulong at ang pag-aksyon ng gobyerno sa mga naapektuhan,” saad ni Mayor Teodoro sa kanyang pahayag.
Dahil sa deklarasyon, pinayagan na ang paggamit ng calamity funds, pagmomobilisa ng mga resources, at pagpapatupad ng mga emergency measure para sa mabilis na rehabilitasyon at pagprotekta sa mga apektadong komunidad.
