November 24, 2024

DOH: SRP ng face shield, hindi lalampas sa P50

Ininspeksyon ni DTI Undersecretary Ruth Castelo ang mga presyo ng faceshield  sa isang medical store sa Bambang, Manila kasunod ng implementasyon ng pagsusuot ng face shield simula sa Agosto 15, 2020. (Kuha ni NORMAN ARAGA)

TINIYAK sa publiko ng isang opisyal sa Deparment of Health (DOH) na hindi lalampas sa P50 ang Suggested Retail Price (SRP) ng face shield dahil sa pagtaas ng demand ng nasabing protective gear.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na nakapagrekomenda na sila ng suggested retail price (SRP) para sa mga face shield na aaprubahan na lang ni Secretary Francisco Duque III bago ipasa sa Department of Trade and Industry (DTI).

Nagawa aniya nila ang SRP batay sa kinonduktang “small survey” at pakikipag-usap sa mga ekspeto sa materyales na kailangan sa paggawa ng face shield.

Hindi tinukoy ni Vergeire kung magkano ang kanilang irerekomendang SRP pero nang tanungin kung higit ba sa P50, tumugon siya na, “Hindi naman po.”

“Huwag kayong mag-alala [kasi] we made sure na hindi tataas ang presyo dahil based [ito] dun sa material na sinabi sa atin at mabibili ng ating mga kababayan nang hindi sila mahihirapan,” aniya pa ngayong Miyerkoles.

Matatandaang sinabi ng DTI, Lunes, na hiniling nito sa DOH na magpataw ng SRP para sa face shield alinsunod sa required use nito sa public transportation simula Agosto 15.