BINITBIT sa selda ang isang binata matapos maaktuhang nagpapataya ng illegal na sugal na ending at makuhanan pa ng droga sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9287 (An Act Increasing the Penalties for Illegal Number Games/ Basketball Score Ending) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang suspek na si alyas CJ, 29, ng Brgy. Punturin.
Sa tinanggap na ulat ni Valenzuela Police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng Bignay Patrol Base 7, nang maispatan nila ang suspek na nagpapataya umano ng basketball ending sa Frias Compd., Ulingan West St., Brgy. Lawang Bato dakong alas-7:15 ng gabi.
Nang lapitan ng mga pulis, biglang kumaripas umano ng takbo ang lalaking tumataya habang agad naman nilang napigilan si ‘CJ’ na dahilan ng kanyang pagkakaaresto.
Nakumpiska sa kanya ang isang basketball ending card, ballpen, coin purse, P300 bet money at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
