Tiwala na ang mas maraming Pilipino sa cashless at digital payments, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), matapos lumampas sa kalahati ang bahagi ng mga monthly retail transactions na isinasagawa na ngayon sa pamamagitan ng digital platforms.
Batay sa 2024 Digital Payments Status Report ng BSP, 57.4% ng kabuuang volume at 59% ng total value ng mga retail transaction ngayong taon ay isinasagawa na sa pamamagitan ng digital channels, mas mataas kumpara sa 52.8% at 55.3% noong 2023.
“This steady year-on-year growth reinforces the momentum built after surpassing the 2023 digitalization target of 50 percent for volume,” ayon sa BSP sa pahayag nito ngayong Lunes, Hulyo 7.
Itinuturo ng BSP na ang paglago ng digital transactions ay resulta ng matatag na consumer trust, mga inisyatibong pampatakaran, at inobasyon sa teknolohiya sa sektor ng pananalapi.
Ang tatlong pangunahing tagapaghatak ng digital payments ay ang merchant payments – 66.4%, person-to-person (P2P) transfers – 20.6% at business-to-business (B2B) supplier payments – 6.2%.
Ang tatlong ito ay bumubuo ng 93.2% ng kabuuang monthly digital payment volume, patunay ng lumalawak na paggamit ng cashless transactions sa lahat ng antas ng kalakalan.
Ayon sa BSP, umaayon ito sa resulta ng kanilang Consumer Expectations Survey (CES) sa huling quarter ng 2024, kung saan lumalabas na mas maraming konsumer ang gumagamit ng digital payments para sa e-commerce, bill payments, at electronic fund transfers.
Tumaas din nang 148.7% ang bilang ng mga merchant na tumatanggap ng QR code payments ngayong taon.
Sa ilalim ng pamumuno ni BSP Governor Eli M. Remolona Jr., nananatiling layunin ng sentral na bangko na gamitin ang teknolohiya para iugnay ang mga merkado, palawakin ang financial inclusion, at gawing abot-kamay ang serbisyo sa mas maraming Pilipino.
“We aim to foster an environment that empowers our regulated entities and fintech partners to leverage innovation…,” ani Remolona.
Pinaiigting rin ng BSP ang interoperability sa mga sistema ng pagbabayad, nakikipagtulungan sa private sector, at gumagawa ng mga digital use cases na akma sa lahat ng sektor ng lipunan.
“As digitalization advances, the BSP recognizes the importance of striking a balance between fostering innovation and upholding consumer safety and trust,” dagdag pa ng bangko sentral.
Sa patuloy na paglawak ng digital finance ecosystem, umaasa ang BSP na mas mapapadali, mapapamura, at magiging mas ligtas ang mga transaksyon para sa mga microenterprises, maliliit na negosyante, at mga unbanked sectors ng bansa.
