
Kumpiyansa si Senator Sherwin “Win” Gatchalian na makatutulong ang pinalawak na programa ng Senior High School (SHS) work immersion sa 14 pilot schools para mapataas ang antas ng job readiness ng mga magtatapos sa ilalim ng K to 12 program.
Ayon sa senador, layunin ng enhanced work immersion na tiyaking handa sa aktwal na trabaho ang mga estudyante pagkalabas nila ng paaralan.
“The rollout of the enhanced Senior High School work immersion in 14 pilot schools should be a boost to the employability of our SHS graduates,” pahayag ni Gatchalian.
Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya para sa edukasyon, inanunsyo rin ni Gatchalian na muli niyang ihahain ang “Batang Magaling Act” sa pagbubukas ng Ika-20 Kongreso. Layunin ng panukalang ito na iayon ang mga SHS curricular offerings at work immersion programs sa pangangailangan ng merkado o industriya.
“Panahon na upang tiyakin nating nararamdaman ng ating mga kababayan ang mga benepisyo ng senior high school, lalo na pagdating sa kahandaan ng ating mga mag-aaral sa trabaho,” dagdag niya.
Ilang taon nang tinatalakay ang pagiging epektibo ng SHS program, lalo na sa aspeto ng employability. Sa pamamagitan ng enhanced immersion, inaasahang mas mabibigyan ng aktwal na karanasan sa trabaho ang mga estudyante, na magiging advantage nila sa pagpasok sa workforce.
Umaasa si Gatchalian na sa pamamagitan ng mga repormang ito, mas magiging kapaki-pakinabang ang SHS para sa libu-libong kabataan — hindi lamang bilang preparasyon sa kolehiyo, kundi bilang daang patungo sa dekalidad na trabaho.
