June 25, 2025

GSIS KINILALA ANG MGA AHENSIYA NG GOBYERNO NA PINAKATAPAT SA PAGBABAYAD NG PREMIUM OBLIGATIONS

PARANAQUE CITY — Pinarangalan ng Government Service Insurance System (GSIS) ang ilang ahensya ng pamahalaan na may pinakamalaking ambag sa pagbabayad ng matagal nang natenggang social insurance premiums, na sumasaklaw sa obligasyong mula Oktubre 2007 hanggang Disyembre 2024 at nasingil sa mga taong 2024 at 2025.

Isinagawa ang pagkilala sa GSIS Stakeholders’ Dialogue sa Sequoia Hotel Manila Bay, kung saan nagsama-sama ang mga partner agencies upang talakayin ang mga bagong programa at palakasin ang ugnayan sa pagitan ng mga ahensya at ng pension fund.

Sa kategoryang malalaking ahensya, pinangunahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Korte Suprema ng Pilipinas, at DepEd Division ng Taguig-Pateros (Elementary Level) ang listahan ng mga top-paying agencies. Para sa mid-sized agencies, kinilala ang Development Bank of the Philippines (Main Office), Pag-IBIG Fund (Main Office), at University of the Philippines Manila. Sa mga maliliit na ahensya naman, ginawaran ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, DepEd Division ng Pasay (High School Level), DepEd Division ng Muntinlupa (High School Level), at Bases Conversion and Development Authority.

“Ang mga ahensyang ito ay tunay na nagpakita ng malasakit at pananagutan sa kanilang mga empleyado. May mga obligasyong nabayaran na higit isang dekada nang overdue. Isa itong halimbawa ng tunay na serbisyo publiko,” pahayag ni GSIS President and General Manager Wick Veloso.

Ayon kay Veloso, ang pagbabayad ng mga ahensya ay hindi lamang tumutugon sa legal na obligasyon kundi nagpapalakas din ng tiwala sa sistema at nagtitiyak ng kinabukasan ng kanilang mga empleyado.

Bukod sa pagkilala, inilatag rin sa dialogue ang mga update sa housing programs ng GSIS, digital na inisyatiba, kampanya sa financial literacy, at insurance services na bahagi ng patuloy na pagsisikap ng GSIS na paigtingin ang serbisyo sa mga miyembro nito.