June 23, 2025

Collegiate Coaches ng UAAP at NCAA, paparangalan sa SMC-Collegiate Press Corps Awards

Image courtesy of UAAP Media Group and NCAA Philippines/GMA Sports

Kilala ang mga atleta sa mga kapana-panabik na laban sa UAAP at NCAA seasons, ngunit di rin matatawaran ang galing at dedikasyon ng mga coach na nagtulak sa kanilang mga koponan tungo sa tagumpay. Bilang pagkilala sa mga “Coaches of the Year,” gaganapin ang SMC-Collegiate Press Corps (SMC-CPC) Awards Night sa Discovery Suites, Ortigas, Pasig sa darating na Hunyo 30.

Para sa UAAP men’s basketball, muling kikilalanin si Goldwin Monteverde bilang ‘UAAP Men’s Basketball Coach of the Year’ matapos pangunahan ang UP Fighting Maroons sa pagkamit ng UAAP Season 87 championship, isang tagumpay na nakabukas ng panibagong yugto para sa Diliman-based team matapos nilang talunin ang De La Salle University sa Finals.

Sa NCAA naman, si Randy Alcantara ng Mapua Cardinals ang tatanghalin bilang ‘NCAA Men’s Basketball Coach of the Year’ matapos idala sa koponan ang kanilang unang titulo sa loob ng 33 taon sa NCAA Season 100, matapos talunin ang College of St. Benilde Blazers sa Finals.

Sa women’s basketball ng UAAP, papurihan si Aris Dimaunahan bilang ‘UAAP Women’s Basketball Coach of the Year’ dahil sa matagumpay niyang pag-mentor sa NU Lady Bulldogs, na bumawi sa kanilang pagkatalo sa UST Growling Tigresses noong 2023 at nagwagi ng ikalawang titulo sa loob ng tatlong taon.

Sa volleyball naman, patuloy ang dominasyon ng NU Lady Bulldogs sa UAAP Season 87 women’s volleyball kung saan pinangunahan sila ni Sherwin Meneses, na kikilalanin bilang ‘UAAP Women’s Volleyball Coach of the Year’. Kasabay niya sa pagkilala ay si Dante Alinsunurin, coach ng NU men’s volleyball team, na tatanghaling ‘UAAP Men’s Volleyball Coach of the Year’ matapos pamunuan ang koponan sa isang makasaysayang five-peat.

Sa NCAA women’s volleyball, muling nag-ani ng tagumpay ang Benilde Lady Blazers sa pang-apat na sunod-sunod nilang titulo, kaya naman si Jerry Yee, ang consultant ng koponan ngayong centennial season, ay bibigyan ng parangal bilang ‘NCAA Women’s Volleyball Coach of the Year’.

Hindi rin nagpahuli si Bryan Vitug, coach ng Arellano Chiefs men’s volleyball team, na tatanghaling ‘NCAA Men’s Volleyball Coach of the Year’ matapos idala ang kanilang unang kampeonato simula nang sumali sila sa liga noong 2009, matapos nilang talunin ang Letran Knights sa finals ng NCAA Season 100.

Pinangangalagaan ng mga award na ito ang husay at dedikasyon ng mga coach na nagbigay ng inspirasyon at tagumpay sa kanilang mga koponan sa nakaraang collegiate season. RON TOLENTINO