
PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur — Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 31-anyos na Pakistani national na matagal nang nasa blacklist ng gobyerno dahil sa iligal na pananatili sa bansa.
Kinilala ng BI ang banyaga na si Sajjad Khan, na naaresto noong Hunyo 16, 2025 sa Barangay Tiguma, Pagadian City, sa bisa ng mission order mula sa bureau. Ang operasyon ay isinagawa ng BI Intelligence Division sa pakikipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at 53rd Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ayon kay Fortunato “Jun” Manahan, Jr., hepe ng BI Intelligence Division, lumabas sa rekord ng ahensya na si Khan ay blacklisted mula pa noong 2016. Inamin umano ng dayuhan na pumasok siya sa bansa sa pamamagitan ng bangka, gamit ang tinatawag na “backdoor entry” o iligal na ruta ng migrasyon.
Dahil dito, nahaharap si Khan sa paglabag sa Section 37(a)(1) ng Philippine Immigration Act of 1940, dahil sa illegal entry at pagiging undocumented alien.
Matapos ang pagkakaaresto, dinala si Khan sa Zamboanga del Sur Police Provincial Office para sa dokumentasyon at imbestigasyon, bago inilipat sa Bureau of Immigration Warden Facility (BIWF) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, kung saan pansamantala siyang nakakulong habang hinihintay ang mga susunod na legal na hakbang.
Patuloy ang paalala ng BI sa mga dayuhang nais pumasok sa bansa na sundin ang batas at dumaan sa tamang proseso upang maiwasan ang ganitong uri ng insidente. (ARSENIO TAN)
More Stories
“MAY PROBLEMA KA BA SA MAY AUTISM?” — DENNIS TRILLO, NAG-INIT ANG ULO SA BASHER NG ANAK NI JENNYLYN
Property exposure ng mga bangko sa Pilipinas, bumagsak sa pinakamababang antas sa loob ng 6 taon — BSP
Collegiate Coaches ng UAAP at NCAA, paparangalan sa SMC-Collegiate Press Corps Awards