
Pinalalim pa ng Gokongwei Group at MPower, ang retail electricity supply unit ng Meralco, ang kanilang matagal nang ugnayan sa pamamagitan ng panibagong kontrata para sa suplay ng kuryente, na sumasaklaw na ngayon sa mas maraming pasilidad ng conglomerate sa Luzon.
Sakop ng kasunduang ito ang ilang pangunahing kumpanya ng Gokongwei Group kabilang ang Robinsons Land Corporation, Cebu Pacific, Universal Robina Corporation, JG Summit Olefins Corporation, RL Commercial REIT Inc., at ang Robinsons Supermarket Corporation na nasa ilalim ng Robinsons Retail Holdings, Inc.
Ayon sa magkabilang panig, ang kasunduan ay hindi lamang tungkol sa suplay ng kuryente kundi sa mas malalim na pangako sa sustainability at paggamit ng renewable energy. Ayon kay Lance Y. Gokongwei, President at CEO ng JG Summit Holdings, isasama na sa operasyon ng kanilang mga negosyo ang 60% renewable energy solution.
“Ang kasunduang ito ay isang konkretong hakbang sa pagpapababa ng aming environmental impact habang patuloy naming pinaglilingkuran ang mga Pilipino,” ani Gokongwei.
Matatandaang nagsimula ang ugnayan ng MPower at JG Summit noong 2013. Mula noon, naging tuluy-tuloy ang pagtutulungan ng dalawang grupo sa layuning hindi lamang maghatid ng kuryente kundi lumikha ng positibong epekto sa lipunan at kalikasan.
Para naman kay Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan, ang partnership ay patunay ng isang shared vision para sa mas matatag at mas makakalikasang Pilipinas.
“Hindi lang negosyo ang pinagsasaluhan natin, kundi ang layunin na lumikha ng impact. Sa pamamagitan ng MPower, sabay nating pinapalakas ang mga komunidad at ang ating bansa,” pahayag ni Pangilinan.
Ang panibagong kontratang ito ay patunay ng tiwala, performance, at commitment ng dalawang higanteng grupo sa paghahatid ng de-kalidad, abot-kaya, at environment-friendly na enerhiya para sa kinabukasan.
More Stories
“MAY PROBLEMA KA BA SA MAY AUTISM?” — DENNIS TRILLO, NAG-INIT ANG ULO SA BASHER NG ANAK NI JENNYLYN
Property exposure ng mga bangko sa Pilipinas, bumagsak sa pinakamababang antas sa loob ng 6 taon — BSP
Collegiate Coaches ng UAAP at NCAA, paparangalan sa SMC-Collegiate Press Corps Awards