June 22, 2025

Inflation Maaaring Lumampas sa 5% Dahil sa Mahal na Langis at Mahinang Piso

MANILA — Nagbabala si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli M. Remolona Jr. na posibleng sumipa sa higit 5% ang inflation sa bansa, dulot ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at patuloy na paghina ng piso kontra dolyar.

Sa panayam ng OneNews nitong Biyernes, Hunyo 20, sinabi ni Remolona na, “May mga senaryong tinitingnan kami kung saan ang inflation rate ay maaaring lumampas ng lima porsyento. Isa sa mga pangunahing banta ay ang pagtaas ng presyo ng langis.”

Ang huling pagkakataong pumalo sa higit 5% ang inflation ay noong Setyembre 2023 na umabot sa 6.1%. Mula noon ay unti-unti itong bumaba hanggang sa naitala ang 1.3% inflation nitong Mayo 2025 — ang pinakamababa mula Nobyembre 2019.

Ayon kay Remolona, isa sa mga tinututukang panganib ay ang posibilidad na maisara ang Strait of Hormuz — isang mahalagang ruta ng langis mula Middle East. “Kapag isinara ito, inaasahan ang biglaang pagtaas ng presyo ng langis, at sa domino effect, tataas din ang inflation dito sa Pilipinas,” aniya.

Bukod sa presyo ng langis at osilasyong halaga ng piso, binanggit din ng BSP chief ang mga ibang salik tulad ng tumataas na taripa sa bigas, singil sa kuryente, at tensyong pangkalakalan sa pagitan ng U.S. at China, gayundin ang alitan ng Israel at Iran.

Ang mga ito rin ang naging konsiderasyon ng BSP sa desisyong bawasan ang key interest rate ng 25 basis points, na ngayo’y nasa 5.25%.

Sa kabila ng mga panganib, nananatili namang positibo ang outlook ng BSP sa ekonomiya. “Kung hindi mangyari ang ‘bad scenario,’ may posibilidad tayong magbaba pa ng panibagong 25 basis points,” pahayag ni Remolona.

Samantala, inaasahan ng Dutch financial group na ING na magkakaroon pa ng dalawang beses na bawas sa interest rates bago matapos ang taon, na magdadala ng benchmark rate sa 4.75%.

Gayunpaman, iginiit ng ING na may banta pa rin sa posibilidad ng karagdagang bawas sa rates dahil sa mataas na presyo ng langis at geopolitical tensions. Ayon kay Deepali Bhargava, regional head ng ING Asia-Pacific, “Mas magiging maingat ang BSP sa susunod na mga buwan habang nananatiling sensitibo ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga pandaigdigang kaganapan.”

Sa kasalukuyan, nananatiling nakaabang ang Monetary Board kung paano uusbong ang mga global at lokal na pangyayari bago magpatuloy sa panibagong hakbang sa polisiya.