June 20, 2025

Ginang dinukot at tinangayan ng SUV sa Laguna; 2 suspek arestado sa Quezon

MULANAY, QUEZON — Arestado ang dalawang suspek na sangkot sa pagdukot sa isang ginang at pagkuha sa kanyang SUV sa isinagawang hot pursuit at follow-up operation ng mga pulis sa Brgy. Sta. Rosa, Mulanay, Quezon nitong Miyerkules ng umaga, Hunyo 18, 2025.

Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “Pepe,” 25-anyos, residente ng Imus, Cavite; at  “Reymond,” 20-anyos, residente ng San Francisco, Quezon

Ayon sa ulat na ipinarating ng Mulanay Municipal Police Station kay Quezon Police Provincial Director PCol. Ruben Lacuesta, personal na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima na si Marilou Canicosa Pusag, 49-anyos, residente ng Calamba City, Laguna, kasama si Brgy. Chairwoman Mercidita Aliling ng Brgy. Butanyog.

Isinalaysay ni Pusag na habang nasa tapat siya ng QualiMed Hospital ay sapilitang dinukot ng mga suspek at inagaw ang kanyang sasakyang Mitsubishi Montero (plate number DAP 9918). Inihatid umano siya sa Brgy. Butanyog at doon siya ibinaba ng mga suspek bago tumakas.

Agad na naglunsad ng operasyon ang Mulanay PNP at naabutan ang mga suspek sa parehong bayan.

Naaresto ang dalawa at nabawi ang sasakyan ng biktima, pati na rin ang isang caliber .45 na baril na may magazine at mga bala; dalawang cellphone; dalawang piraso ng bladed weapon; mga identification cards; at ₱11,390 na salapi Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong Kidnapping at Carnapping.

Sila ay pansamantalang nakakulong sa Mulanay Holding and Detention Facility habang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa korte. (KOI HIPOLITO/ERICHH ABRENICA)