June 19, 2025

Netherlands tinanggihan ang asylum bid ni Harry Roque – DOJ

Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na tinanggihan ng Netherlands ang kahilingan ni dating presidential spokesperson Harry Roque na mabigyan ng asylum sa nasabing bansa, ayon kay DOJ Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.

“Ang alam ko, hindi siya nabigyan ng Netherlands, kaya nasa Germany na siya ngayon at baka doon na siya mag-apply kung sakali,” pahayag ni Remulla sa mga mamamahayag ngayong Miyerkules.

Ang asylum ay isang proteksyong ibinibigay ng isang bansa sa isang indibidwal na umalis sa kanyang sariling bayan bilang political refugee.

Matatandaang lumitaw si Roque sa The Hague noong Marso, ilang araw matapos ang pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Bago ito, ilang buwan siyang hindi nakita sa publiko at naiulat na naglakbay sa Dubai at China. Sa The Hague, inihayag ni Roque ang kanyang intensyon na mag-aplay ng asylum sa Netherlands.

Ngunit nagbago ang sitwasyon para kay Roque matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang korte sa Angeles City, Pampanga dahil sa kasong qualified trafficking in persons, isang non-bailable offense na may kaugnayan umano sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa nasabing lalawigan.

Noong Abril, iniatas ni Remulla kay DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty ang pagsubaybay sa kaso ni Roque at ang pagpigil sa kanyang asylum application.

“Hintayin natin ang kanselasyon ng kanyang pasaporte. Puwede siyang sampahan ng kaso sa extradition, pero baka hindi na kailangan dahil kung mawalan siya ng pasaporte at maging undocumented alien, puwede na siyang ipakuha sa Interpol,” ani Remulla.

Ito rin ang parehong estratehiyang ginamit ng gobyerno sa pagbabalik sa bansa ni dating Congressman Arnolfo “Arnie” Teves, na una ring nagtangkang humingi ng asylum sa Timor-Leste. Nang mabigo sa extradition route, ginamit ng Pilipinas ang deportation process sa tulong ng pamahalaan ng Timor-Leste.

Sa hiwalay na pahayag, itinanggi ni Roque ang ulat na nabasura ang kanyang asylum bid at tinawag ang administrasyong Marcos bilang “purveyor of fake news.”

Ayon kay Roque, ang kanyang biyahe sa Germany ay matagal nang nakaplano at bahagi ng imbitasyon ng Filipino community roon. “Ako po ay nag-administer ng oath-taking sa mga miyembro ng Hakbang ng Maisug Germany,” ani Roque.

Dagdag pa niya, “Ako ay muling nasa The Hague sa Netherlands ngayon.”

Sa kabila ng kanyang pahayag, nananatili ang mga hakbang ng gobyerno para mahuli at mapanagot si Roque sa kinahaharap niyang mga kaso.