
Tiwala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na maaabot nito ang target na ₱3.2 trilyong koleksyon sa buwis para sa taong 2025, kahit pa aminado ang ahensya na posibleng kailanganin ng kaunting pagbabago sa target dahil sa mas mabagal na paglago ng ekonomiya.
Sa forum na Kapihan sa Manila Bay ngayong Miyerkules, sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na patuloy ang kanilang masigasig na kampanya upang matupad ang target sa kabila ng mga hamon.
“Sa ngayon, naka-set pa rin sa ₱3.2 trillion ang target. At sa first quarter, ikinagagalak kong ianunsyo na we are on track,” pahayag ni Lumagui.
Batay sa datos ng Bureau of the Treasury, nakalikom na ang BIR ng ₱1.1 trilyon mula Enero hanggang Abril 2025 — mas mataas ng 14.5% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Gayunman, sinabi ni Lumagui na posible ang pagrebisa sa target batay sa aktuwal na gross domestic product (GDP) ng bansa.
“Pinag-uusapan na, kasi nakabase ang collection target sa takbo ng ekonomiya. Eh ang GDP growth natin, hindi nakaabot sa inaasahan. Kung susundin ito, dapat talagang i-recalibrate ang target,” paliwanag ng opisyal.
Inaasahan ng economic managers ang 6% hanggang 8% na GDP growth sa buong taon, ngunit lumago lamang ng 5.4% ang ekonomiya sa unang quarter ng 2025.
“Pero sa ngayon, nananatili pa rin sa ₱3.2 trillion ang target. Wala pang opisyal na rebisyon,” dagdag pa niya.
Bilang bahagi ng hakbang upang palakasin pa ang koleksyon, inihayag ni Lumagui na nakatakdang ilunsad ng BIR sa 2026 ang digital track-and-trace system para sa sigarilyo, vape, at mga inuming may alkohol.
Layon ng sistema na obligahin ang lahat ng rehistradong produkto na magkaroon ng QR code o stamp para sa mas madaling pag-verify ng kanilang pagiging lehitimo. Ang proyekto ay isasagawa sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP) at kasalukuyang inaaral ng Department of Finance (DOF).
“Nasa review stage pa ang feasibility study ng proyekto, pero umaasa kaming fully implemented na ito sa susunod na taon,” ani Lumagui.
More Stories
PETISYON KONTRA DUTERTE YOUTH PINABORAN NG COMELEC
‘Protect Your Money’ campaign muling inilunsad vs scam
Christian Araneta sasabak sa world title fight kontra Thai powerhouse