June 19, 2025

Gatchalian nanawagan ng patuloy na pagbabantay sa kabila ng pagbaba ng dengue cases

QUEZON CITY, Hunyo 18, 2025 — Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa mga paaralan at komunidad na manatiling mapagmatyag at agresibo sa pagpapatupad ng mga hakbang kontra dengue, sa kabila ng naitalang pagbaba ng kaso ngayong taon.

“Bagamat bumababa na ang mga kaso ng dengue, hindi pa rin tayo dapat maging kampante, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan,” ani Gatchalian.

Hinimok ng senador ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang kampanya laban sa dengue sa pamamagitan ng malawakang clean-up drive, pagsira sa mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok, at pagsasagawa ng fogging sa mga itinuturing na high-risk areas.

Binanggit din niya ang mahalagang papel ng mga paaralan sa pagpigil sa pagkalat ng sakit. Ayon kay Gatchalian, dapat hikayatin ng mga eskwelahan ang paggamit ng mosquito repellent at pagsusuot ng proteksiyong kasuotan ng mga mag-aaral upang mapanatiling ligtas ang mga ito habang nasa loob ng campus.

“Mahalaga ang kahandaan ng ating mga ospital, pero mas mahalaga na mapigilan natin ang paglobo ng mga kaso ng dengue,” dagdag pa ng senador.

Ang panawagang ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaan upang mapanatili ang kalusugan at kaligtasan ng publiko, partikular na ng mga kabataan ngayong pasukan.