
TAYABAS CITY, Quezon — Isang hepe ng pulisya ang huling-huli ng kanyang misis na wala ni kapirasong saplot sa katawan habang kasama ang kalaguyo sa loob ng isang motel nitong Martes ng gabi, Hunyo 17, sa Barangay Wakas, Tayabas City.
Ayon sa ulat ng Tayabas Component City Police Station, bandang alas-11:20 ng gabi nang salakayin ng 42-anyos na misis — isang guro at residente ng Mauban, Quezon — ang motel na tinutuluyan ng kanyang mister. Dito niya nadatnan ang kanyang 41-anyos na asawang Police Captain na hubo’t hubad at kasama rin ang babaeng umano’y kalaguyo, na hindi pa pinapangalanan.
Sa galit ng misis, agad nitong kinumpronta ang dalawa na nauwi sa komosyon. Ngunit bago pa man madakip ng mga pulis, mabilis na tumalilis ang magkalaguyo patungong Lucena City.
Dakong alas-3:20 ng madaling araw kinabukasan, nagtungo ang ginang sa presinto upang pormal na magsampa ng reklamo. Kwento nito, nahuli na niya dati ang mister na nakikipag-chat sa naturang babae at nagpapalitan pa ng malalaswang larawan, dahilan upang sundan niya ito sa motel.
Patuloy ngayon ang isinasagawang hot pursuit at follow-up operation laban sa nasabing pulis.
Posibleng maharap ang opisyal at ang kanyang kalaguyo sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act (Psychological Abuse) at Adultery. (Ulat ni KOI HIPOLITO)
More Stories
Christian Araneta sasabak sa world title fight kontra Thai powerhouse
Delivery driver timbog sa ₱272K halaga ng shabu sa Pasig
Netherlands tinanggihan ang asylum bid ni Harry Roque – DOJ