
SAN JUAN CITY – Hindi na palalampasin pa ang mga pasaway! Mahigpit na ipatutupad ng San Juan City ang ₱5,000 multa at posibleng pagkakakulong sa mga lalabag sa bagong guidelines ng 2025 Wattah Wattah Festival, ayon kay Mayor Francis Zamora sa isang media briefing nitong Miyerkules, Hunyo 18, 2025.
Sa ilalim ng City Ordinance No. 14, Series of 2025, muling inilinaw ni Mayor Zamora na layunin ng bagong panuntunan na gawing payapa at ligtas ang taunang selebrasyon ng kapistahan ni San Juan Bautista na gaganapin sa Hunyo 24.
“Bawal ang basta-basta magbasa kung saan-saan. May takdang oras at lugar lang para diyan—at kung lalabag kayo, ₱5,000 ang multa at pwede pa kayong makulong nang hanggang sampung araw,” babala ng alkalde.
Ayon sa ordinansa, tanging sa Pinaglabanan Road (mula N. Domingo hanggang P. Guevarra Streets) at paligid ng Pinaglabanan Shrine ang itinalagang “Basaan Zone,” mula alas-7 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon. Ang basaan sa labas ng nasabing lugar ay mahigpit na ipinagbabawal.
Kabilang sa mga mahigpit na ipinagbabawal ay ang paggamit ng maruming tubig, water bombs, pagpasok o pagbubukas ng kotse para magbasa, at ang paggamit ng fire truck nang walang pahintulot. Maging ang paggamit ng high-pressure water sprayers na hindi otorisado ay pinatawan din ng kaparusahan.
Ipapatupad rin ang liquor ban mula 12:01 AM hanggang 2:00 PM sa buong lungsod. Maging ang mga tindahang magbebenta ng alak ay pagmumultahin ng ₱5,000.
Sa kaso ng mga menor de edad, sila ay agad na isasangguni sa CSWDO habang ang magulang o guardian ay pagmumultahin ng ₱5,000 rin.
Ayon kay Mayor Zamora, nakikipag-ugnayan na siya sa hepe ng PNP para sa dagdag na puwersa mula sa Eastern Police District at NCRPO. Nakaantabay rin ang Task Force Disiplina at mga barangay tanod para agad na tumugon sa mga lalabag.
“Hindi na puwedeng balewalain ang ordinansa. Kung ayaw ninyong mamultahan o makulong, sumunod sa panuntunan,” diin pa ng alkalde.
Alinsunod sa Proclamation No. 929 mula sa Malacañang, idineklara ang June 24 bilang special non-working holiday sa San Juan para bigyang-daan ang selebrasyon. Pero malinaw ang paalala ni Mayor Zamora: “Hindi ibig sabihin holiday ay puwede nang bastusin ang tradisyon.” “Gusto nating panatilihin ang diwa ng kapistahan—masaya pero disiplinado. At kung may babalewala sa ordinansa, handa kaming maningil—sa pamamagitan ng ₱5,000 multa,” pagtatapos niya.
More Stories
Netherlands tinanggihan ang asylum bid ni Harry Roque – DOJ
PBBM, DepEd, at pribadong sektor, nagkaisa para sa agarang pagbangon ng nasunog na San Francisco High School
BIR target pa rin ang ₱3.2-T koleksyon sa kabila ng mabagal na takbo ng ekonomiya