June 18, 2025

SBA Season 2, aarangkada sa Setyembre

Mas malaki at mas kapana-panabik — ganito inilarawan ang nalalapit na pagbubukas ng Sharks Billiards Association (SBA) Season 2 ngayong Setyembre, kung saan inaasahang mas aangat pa ang antas ng kumpetisyon at kasiyahan para sa mga manonood.

Mula sa apat na koponang may limang manlalaro noong Season 1, ngayong Season 2 ay limang koponan na may tig-anim na miyembro bawat isa ang maglalaban-laban. Iiral ang round-robin point system kung saan maghaharap ang bawat koponan nang hindi bababa sa tatlong beses bago tumungo sa best-of-five finals.

Kasali muli ang defending champion Taguig, pati ang mga koponang Quezon City, Manila, Negros Occidental, at ang bagong salta na Makati. Gaganapin ang player draft sa Hulyo 29.

“Napakasuccessful ng Season 1. At ngayon, mas pinaganda pa natin. Sinimulan na rin natin ‘yung audience engagement kung saan puwedeng sumigaw ang mga tao habang nagsho-shoot ang players,” ayon kay SBA founder Hadley Mariano sa Philippine Sportswriters Association (PSA) forum na ginanap sa Rizal Memorial Sports Complex.

Suportado ng Smart Sports, Cignal TV, at MSW, ang Season 2 ay magtatampok ng tatlong format: ang King of the Hill (palitan ng manlalaro kada rack), Doubles, at One-on-One.

“Hindi na lang ito individual sport. Kailangan na rin ng team chemistry. Mas maganda, naging team sport na talaga,” dagdag pa ni Mariano sa forum na sinuportahan din ng San Miguel Corporation, PSC, POC, MILO, Smart/PLDT, at ArenaPlus.

Asahan ang mas mataas na antas ng aksyon, diskarte, at saya mula sa SBA Season 2! (Ulat ni RON TOLENTINO)