
MANILA — Matapos ang sunod-sunod na pag-viral ng mga video ng pang-aabuso at maling asal ng ilang tauhan at transport operators, inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr), kasama ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang pagpapatupad ng mahigpit na parusa laban sa mga tiwaling opisyal at abusadong operator.
Sa isang press briefing nitong Lunes, kinumpirma ni Transportation Secretary Vince Dizon ang agarang pagkakatanggal sa puwesto nina LTO Region 2 Assistant Regional Director Manuel Baricua at Charles Ursulum, matapos masangkot sa isang video na nagpapakita ng pananakit sa mga sibilyan — kabilang ang isang menor de edad — sa isang pribadong pagtitipon.
“Ang mga opisyal ng gobyerno ay lingkod-bayan, hindi mga amo. Kapag may lumabag sa direktiba ng Pangulo laban sa pang-aabuso, tiyak na may kahihinatnan,” ani Dizon.
“Hindi na kailangan ng mahabang imbestigasyon — malinaw ang ebidensya. Humiling na kami sa Office of the President na tuluyang sibakin si Baricua sa serbisyo,” dagdag pa niya.
Tiniyak ng DOTr na tutulungan ang mga biktima sa pagsasampa ng kasong kriminal, habang binalaan din ang iba pang opisyal na hindi palalampasin ang anumang anyo ng karahasan o pag-abuso.
Sa hiwalay na insidente, agad ipinag-utos ni Dizon ang suspensiyon at tuluyang pagbawi ng lisensiya ng isang taxi driver mula sa Taxihub Transport na nahuling naningil ng sobra sa isang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) — isang insidente na nakuhanan pa sa video.
Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking patas ang paniningil sa mga pasahero, inatasan ni Secretary Dizon ang Land Transportation Office (LTO) at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maglunsad ng crackdown laban sa mga abusadong taxi driver sa lahat ng paliparan at pantalan sa bansa.
“Sa utos mismo ng Pangulo, inaatasan ko ang LTO at LTFRB na magsagawa ng mga operasyon sa ating mga paliparan, partikular sa NAIA, laban sa mga taxi na nananamantala sa ating mga kababayan at turista,” pahayag ni Secretary Dizon sa isang press conference nitong Lunes.
Tinukoy ng kalihim ang insidente kung saan ang pamasahe mula Terminal 2 hanggang Terminal 3 ng NAIA ay umabot ng P1,200, na kanyang tinawag na “kalokohan” at “pang-aabuso.”
Bukod sa pagpatalsik sa drayber, ipinag-utos din ni Dizon ang pagbawi ng prangkisa ng lahat ng 15 yunit ng Taxihub Transport, na lumalabas na expired na ang franchise mula pa noong Marso.
“Lahat ng namamasada at operator, may prangkisa kayo para magbigay ng serbisyo, pero may kaakibat itong responsibilidad. Kapag kayo’y lumabag, may kaukulang kaparusahan ‘yan,” giit ni Dizon, sabay sabing isasampa ang kaukulang kaso laban sa operator ng Taxihub Transport.
Tiniyak ng Department of Transportation na hindi palalampasin ang ganitong uri ng pananamantala, at tinututukan ang pagpapabuti ng serbisyo para sa publiko, lalo na sa mga lugar gaya ng paliparan na unang dinadayo ng mga turista.Nagbigay rin ng update ang DOTr sa ilang naunang insidente:
- Sa kasong may kinalaman sa isang PWD na pasaherong ginamitan ng stun gun ng konduktor ng Precious Grace Bus, 15 yunit ng kumpanya ang sinuspinde, at kasong kriminal ang isinampa laban sa konduktor.
- Samantala, sumunod naman ang Florida Bus Company sa utos ng LTO hinggil sa isang hiwalay na alterkasyon na kinasangkutan ng kanilang mga drayber, kung saan tatlo na ang nabawiang lisensya.
Sa pagtatapos ng talumpati, muling iginiit ni Secretary Dizon ang matatag na paninindigan ng administrasyon laban sa katiwalian at pang-aabuso sa sektor ng transportasyon.
“Nandito tayo upang maglingkod, hindi upang manlamang. Lahat ng lumalabag ay may kaukulang parusa,” aniya.
More Stories
SBA Season 2, aarangkada sa Setyembre
Arnolfo Teves, Isasailalim sa Malaking Operasyon Dahil sa Matinding Sakit ng Tiyan
GOV’T HANDA SA POSIBLENG EPEKTO NG SIGALOT SA MIDDLE EAST SA PRESYO NG LANGIS