June 16, 2025

SCHOOL SA QC, SIKSIKAN AT MAINIT SA UNANG ARAW NG PASUKAN

QUEZON CITY – Bagamat handa na ang pamunuan ng President Corazon Aquino Elementary School (PCAES) sa pagbubukas ng klase ngayong Lunes, nananatiling hamon ang siksikan at init sa mga silid-aralan habang 8,500 estudyante ang nagsimula ng klase para sa Academic Year 2025–2026.

Ayon kay PCAES Principal Gerry Isip, bagamat “ma-accommodate” lahat ng estudyante, nananatiling kulang ang espasyo sa mga silid-aralan. Sa mga baitang 1 hanggang 3, tig-dalawang seksyon ang pinagsasama sa iisang 7-by-9-meter na classroom na pinaghiwalay lamang ng manipis na pader na kahoy. Bawat seksyon ay may humigit-kumulang 35 hanggang 38 mag-aaral, kaya’t nagiging sagabal sa konsentrasyon ang ingay at kakulangan sa espasyo.

Upang mapangasiwaan ang dami ng estudyante, ipinatutupad ng paaralan ang morning at afternoon shifts. Gayunpaman, maraming silid ang nananatiling mainit at kulang sa bentilasyon, dahil sa limitadong bilang ng electric fans.

Umaasa si Isip na madaragdagan pa ang mga gusali ng paaralan upang mabawasan ang dami ng estudyanteng nagsisiksikan sa bawat silid. Hiling rin niya ang suporta ng mga magulang at tagapag-alaga sa pag-aaral ng kanilang mga anak sa bahay.

Samantala, isinagawa ang inspeksyon sa paligid ng paaralan para tiyaking ligtas at maayos ang pagbubukas ng klase. Pinangunahan ito ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III kasama si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at mga opisyal ng Quezon City Schools Division Office.

Ayon kay Gen. Torre, handa ang pambansang pulisya para sa pagbubukas ng klase sa buong bansa. Kabuuang 37,740 pulis ang ipinakalat upang bantayan ang 45,974 paaralan sa buong Pilipinas.

Upang palakasin ang presensya ng pulisya, nagtayo ng 5,079 police assistance desks sa paligid ng mga paaralan. Mahigit 10,000 pulis ang naka-assign sa mga desk na ito, habang 10,687 naman ang nakatalaga sa mga mobile patrol at 16,366 sa foot patrol upang matiyak ang seguridad at agad na makatugon sa anumang aberya.

“Sa mga magulang, ang inyong PNP ay kasama sa pagbabantay sa inyong mga anak, at sinisiguro na ang kanilang learning environment ay magiging maayos, ligtas at mapayapa,” pahayag ni Gen. Torre.