
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at bagong talagang Education Secretary Sonny Angara ang pambansang paglulunsad ng Brigada Eskwela 2025 ng Department of Education (DepEd) ngayong Lunes, Hunyo 9, sa lalawigan ng Bulacan.
Libo-libong volunteers mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nakiisa sa kick-off activities, kasabay ng sabayang Brigada Eskwela sa libo-libong pampublikong paaralan. Ang tema ngayong taon ay “Brigada Eskwela: Sama-sama Para sa Bayang Bumabasa,” na nakatuon sa pagpapalaganap ng literacy at bayanihan para sa kahandaan ng mga paaralan.
Bumisita sina Pangulong Marcos at Kalihim Angara sa Barihan Elementary School sa Lungsod ng Malolos at sa Tibagan Elementary School sa San Miguel. Sa Barihan ES, tiningnan ng Pangulo at kalihim ang plano para sa rehabilitasyon ng paaralan na palaging binabaha, habang sa Tibagan ES ay ininspeksyon nila ang implementasyon ng digital learning tools tulad ng Starlink internet connectivity at Khan Academy-powered classes.
Kasama ang mga guro, magulang, at lokal na opisyal, tumulong din sina Marcos at Angara sa pag-install ng bagong blackboard—simbolo ng bagong yugto ng pagbabalik-eskwela na may kalidad at ligtas na pasilidad. Pinuri rin nila ang aktibong partisipasyon ng komunidad sa paghahanda ng mga silid-aralan.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Sec. Angara ang kahalagahan ng literacy-focused at data-informed planning, kalusugan ng komunidad, at aktibong partisipasyon ng mga stakeholders bilang pangunahing layunin ng Brigada Eskwela ngayong taon.
“Every repaired classroom is a promise to our children that learning will not wait. Every volunteer’s hand is a testament that the future of education rests not just in programs, but in people,” ani Angara.
“Kung may bayang bumabasa, may bansang puno ng pag-asa. When a child reads with confidence, a nation rises with dignity,” dagdag pa niya.
Bukod sa community effort, ipinagmalaki rin ng DepEd ang mga repormang ipinatutupad sa ahensya, kabilang ang pag-hire ng 20,000 bagong guro at 10,000 administrative personnel, at ang 57% na pagbawas sa paperwork ng mga guro sa pamamagitan ng streamlined reporting system.
Nagpahayag ng buong suporta ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng DPWH, DICT, at MMDA para sa infrastructure repair, digital access, at kalinisan ng mga paaralan.
Ang Brigada Eskwela 2025 ay itinuturing na hindi lamang isang paghahanda para sa pasukan sa Hunyo 16, kundi isang pambansang kilusan tungo sa mas dignified, inclusive, at handang sistemang pang-edukasyon para sa School Year 2025-2026.
More Stories
ALAS PILIPINAS PINADAPA NG IRAN SA 5-SET THRILLER
AYALA LAND, TUMINDIG SA ITAAS! Tanging Real Estate Brand sa Top 25 ng Most Valuable Filipino Brands
SARA, ILITIS SA IMPEACHMENT! 8 SA 10 PINOY GUSTONG HARAPIN NI VP ANG MGA PARATANG