June 10, 2025

8 PULIS TINANGGAL SA SERBISYO NG NCRPO SA ILEGAL NA RAID SA TAGUIG


Sinibak sa serbisyo ang walong (8) pulis mula sa Taguig City Police Station matapos ang malalimang imbestigasyon na isinagawa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay sa isang insidente ng umano’y iligal na operasyon sa Barangay Napindan na naging viral sa social media noong Pebrero.

Sa direktiba ni Police Major General Anthony A. Aberin, Regional Director ng NCRPO, isinagawa ang imbestigasyon matapos lumabas sa social media noong Pebrero 10, 2025 ang isang video na nagpapakita ng insidente ng diumano’y hindi awtorisadong pagpasok ng mga pulis sa isang pribadong tahanan.

Ayon sa mga nakalap na impormasyon, noong Pebrero 9, 2025, ilang tauhan mula sa Substation 5 ng Taguig City Police Station ang sapilitang pumasok sa bahay ng mga complainant nang walang maipakitang search warrant, sinaktan ang mga naroroon, at kinuha umano ang mahigit ₱76,000.00 at ilang electronic devices.

Bukod pa rito, sinasabing sapilitang dinala ang mga biktima sa presinto at pinapirma sa isang dokumentong naglalaman ng pag-uurong ng reklamo, sa pamamagitan ng panlilinlang o pamimilit.

Agad na nagsagawa ng beripikasyon ang Investigation and Detection Management Section (IDMS) ng Taguig CPS, sa koordinasyon ng Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD) ng NCRPO. Kinuha ang mga salaysay ng mga biktima sa tulong ng mga opisyal ng Barangay Napindan.

Matapos ang masusing proseso ng pagdinig at pagsusuri, ipinataw ang mga sumusunod na parusa:

  • Isang Substation Commander ang pinatawan ng isang ranggong demosyon matapos mapatunayang may pananagutan sa kasong Grave Neglect of Duty.
  • Lima (5) sa mga tauhan ang sinibak sa serbisyo matapos mapatunayang may sala sa mga kasong Grave Misconduct, Less Grave Misconduct, at Conduct Unbecoming of a Police Officer.
  • Tatlo (3) pang tauhan ang tinanggal sa serbisyo sa kasong Less Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of a Police Officer.
  • Isa (1) ang napatunayang walang pananagutan at naabswelto.

Agad na inalis sa puwesto ang mga nasangkot, at isinuko ang kanilang mga baril at PNP-issued identification cards habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Sa kanyang opisyal na pahayag, binigyang-diin ni PMGen Aberin ang kahalagahan ng pananagutan sa hanay ng kapulisan.

“Pursuant to the strategic direction laid down by the Chief PNP, PGen Nicolas Torre, the NCRPO will stand firm and uncompromising on ensuring police accountability within the ranks. Let it be known: there will be no second chances for police scalawags.”

Dagdag pa niya, patuloy niyang pinapaalalahanan ang mga tauhan ng NCRPO na bumalik sa pangunahing prinsipyo ng tamang pagpapatupad ng batas — ang pagsunod sa Police Operational Procedures (POP), paggalang sa karapatang pantao, at pag-iwas sa anumang uri ng katiwalian.