
Hindi na nakalusot pa ang halimaw sa anyong yaya! Nahuli na ng mga awtoridad si alyas “Jennifer”, isang 40-anyos na tomboy na sinasabing 15 beses na pinagsamantalahan ang kanyang inaalagaang batang babae sa Marikina City.
Sa bisa ng Standing Warrant of Arrest na inilabas ng RTC Branch 192 ng Marikina City, sinugod ng mga tauhan ng Station Intelligence Section ng Marikina PNP ang pinagtataguan ng suspek sa Candelaria, Quezon nitong Hunyo 7, 2025, alas-9:30 ng umaga. Hindi na nakapalag pa si “Jennifer” nang siya’y arestuhin.
Batay sa ulat ng pulisya, helper at yaya ng biktimang 9-anyos si “Jennifer” at ginamit niya ang kanyang pagiging malapit sa pamilya para maisakatuparan ang kanyang kababuyan. Sa loob lamang ng dalawang buwan — mula Agosto hanggang Setyembre 2024 — ay paulit-ulit niyang ginahasa sa pamamagitan ng acts of lasciviousness ang inosenteng bata.
Lumalabas sa imbestigasyon na isang araw ng Setyembre 21, 2024, nagkalakas-loob ang biktima na magsumbong sa kanyang ina. Agad silang nagtungo sa VAWC desk ng barangay at saka sinamahan sa pulisya upang magsampa ng kaso.
Ang mga kasong isinampa laban kay “Jennifer” ay Sexual Assault at 15 counts ng Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610, ang batas na pumuprotekta sa mga kabataan laban sa pang-aabuso.
“Napakasakit makita ang ganitong klaseng krimen. Sa edad na dapat puro laro at saya, naranasan ng batang ito ang pinakamasaklap na bangungot,” pahayag ni PBGEN Aden T. Lagranadate, hepe ng Eastern Police District.
“Hindi titigil ang ating hanay hangga’t may mga hayop sa lipunan na patuloy na nangingikil at nang-aabuso ng mga inosenteng bata,” dagdag pa nito. Pinasalamatan din niya ang masigasig na pagkilos ng Marikina police.
Kasalukuyang nakakulong si “Jennifer” sa custodial facility ng Marikina PNP habang hinihintay ang utos ng korte para siya ay mailipat sa piitan.
More Stories
ALAS PILIPINAS PINADAPA NG IRAN SA 5-SET THRILLER
AYALA LAND, TUMINDIG SA ITAAS! Tanging Real Estate Brand sa Top 25 ng Most Valuable Filipino Brands
SARA, ILITIS SA IMPEACHMENT! 8 SA 10 PINOY GUSTONG HARAPIN NI VP ANG MGA PARATANG